Magtanim ng puno bago gumradweyt

“HINDI makaka-graduate ang mga estudiyante sa elementarya, sekondarya at kolehiyo kung hindi sila magtatanim ng puno.”

Ayon sa report, makikipagkaisa ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (Ched) at Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) upang maipatupad ang proyektong ito.

Sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III na hindi baleng makalbo siya basta hindi makalbo ang kabundukan at kagubatang na nagiging sanhi ng mga trahedya sa bansa.

Matatandaang pagkakalbo ng mga kagubatan ang sinisisi ng gobyerno sa mga trahedyang nagaganap sa bansa.

Ayon naman kay Environment  Secretary Ramon Paje, hindi na dapat maulit ang mga naganap na trahedya.

Kung puno umano ang problema, madali itong masosolusyunan sa pamamagitan ng pagtatanim ng 1.5 bilyong puno sa buong bansa.

At upang magawa ito, hihimukin ng mga nasabing ahensya na magkaroon ng partisipasyon sa pagtatanim ang mga estudyante.

Kaugnay nito, panahon na para mamuhunan ang bansa sa mga puno upang mapangalagaan ang kagubatan at kalikasan, anang Pangulo.

Aniya, malaki rin ang maitutulong ng mga puno upang maiangat ang ekonomiya ng bansa, lalo na kung ang itatanim ay mga punong namumunga gaya ng bunga ng kape, mangga at iba pang prutas na pang-export.

Bukod sa kikita ang kaban ng bansa, hindi rin umano kakapusin sa suplay ng pagkain ang Pilipinas.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply