Mag-asawang Fil-Chinese dinukot saka ikinulong ng PDEA operatives

DUMULOG sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Fil-Chinese businesswoman upang magsampa ng kaso laban sa mga miyembro ng Regional Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group sa Camp Bagong Diwa.

Nagsampa ng kasong arbitrary detention at planting of drug kamakalawa sa NBI si Mrs. Evelyn Go laban sa mga pulis na humuli at nagbintang sa kanyang asawa na si Renato, isang Filipino-Chinese na supplier ng mga bombilya at nakatira sa Pinya Avenue, Sta. Mesa, Manila.

Kasamang dumulog sa NBI ni Mrs. Go ang kanyang legal counsel na si Atty. Cirilo P. Sabarre Jr. upang ihingi ng katarungan ang kaawa-awang sinapit ng kanyang asawa sa kamay ng mga umano’y abusadong pulis.

Hanggang sa kasalukuyan, nakakulong sa Quezon City Jail si Renato Go dahil sa kasong ‘possession of drugs’ na isinampa ng mga pulis laban sa kanya sa QC Regional Trial Court Branch 82.

“Nagmamakaawa po ako sa mga pulis at humihingi po ako ng tulong para sa aking asawa, pero hindi nila ako pinakinggan” pahayag ni Evelyn.

Sa sinumpaang salaysay ni Evelyn, sinabi niyang dinukot ang kanyang asawa noong Marso 11 nang iwan niya sa kanilang sasakyan na noo’y nakaparada sa Tropicana sa Sta. Mesa. Bandang alas 2 ng hapon.

Nalaman niyang isinama ang kanyang asawa ng mga pulis ng RAID-SOTC ng siya ay kontakin nito bandang alas-5 ng hapon.

Aniya, nakaposas na noon ang kanyang asawa sa loob ng kanilang sasakyan at sapilitan din siyang isinama at inilibot sa buong Kamaynilaan. Kinuha umano ng mga suspect ang kanyang mga cellphone at load cards at bandang 11 ng gabi ng dalhin sila sa RAID-SOTC office.

Ayon kay Evelyn, sinabi ng mga pulis sa kanya na nahuli umano nila ang kanyang asawa na nagbebenta ng droga at makalalaya lamang umano ito kung magbibigay siya ng P6 milyon.

“Sabi ng pulis sa akin, marami daw pera asawa ko pero ang sabi ko hindi naman po ganyan kalaki ang pag-aari namin dahil nag-supply lang naman ng mga bombilya ang asawa ko,” aniya.

Umuwi umano si Evelyn, ngunit sa takot na ikulong din ay hindi na siya nagbalik sa opisina ng RAD-SOTC.

Pag-uwi ng kanilang bahay, mas ikinagulat umano ng ginang ang balitang nahuli ang kanyang asawa noong Marso 12 sa isang buy-bust operation at nakumpiskahan ng 3.6 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P36 milyon.

“Noong hindi kami nakauwi ng asawa ko ng maghapon, nag-aala na ang aking mga pamangkin at nagpa-blotter sa MPD kaya imposible pong mahuli nila ang asawa ko ng Mraso 12 dahil tanghali pa lamang ng Marso 11 dinukot na nila kami,” sambit ni Evelyn.

Iginiit din ni Evelyn na sapilitang pinag-withdraw ng mga pulis sa kanyang ATM card ang kanyang asawa ng P200,000.

Ayon kay Atty. Sabarre, nagawa nilang makuha ang naturang salapi, ngunit kulang na ito ng P20,000 na ayon sa mga pulis ay bayad umano ni Renato sa ‘board and lodging’ ng pamamalagi sa Camp Bagong Diwa.

Hindi rin muna nila ibinigay ang pangalan ng mga pulis upang hindi makagawa ng mga aksiyon para tuluyang baliktarin ang istorya at ipitin ang mga biktima.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply