Maghanda! Chedeng kasing-lupit ng Ondoy

NAKATATAKOT naman ang sinasabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ukol sa bagyong si Chedeng.

Kasinglupit umano ng bagyong Ondoy ang bagyong Chedeng sa pagdadala ng maraming ulan sa mga lugar na madaraanan nito.

Nakupo, hindi pa nawawala sa ating isipan ang impiyernong dinala sa atin ni Ondoy noon.

Hindi natin malilimutan ang daan-daang namatay sa lunod.

Hindi natin malilimutan ang nasirang buhay na hanggang ngayon ay nangangapa kung anong bukas ang nag-aantay sa kanila.

Kabilang dito ang nag-ipon ng para sa kanilang kinabukasan ngunit tinangay lahat-lahat ni Ondoy.

Hindi natin makalilimutan ang libo-libong nasabak sa baha at ang milyong nagutom sa kung ilang linggo at ilang buwan.

Sariwang-sariwa sa atin ang 24 oras na pagkakatrap sa lansangan ng daang libong taga-Metro Manila.

Ang mga nalunod sa mga malalalim na baha, kabilang na ang mga inabot ng baha sa mga underpass sa Metro Manila. Pinanood din natin sa sarili nating mata ang mga inaanod na sasakyan at sumabit at lumubog sa kung saan-saan.

Makaraan nito, dito naman kinakitaan ang pagbubukas ng palad at puso ng di mabilang na mamamayan.

Nagbukas ang mga bodega para sa mura o libreng  bigas, sardinas at iba pang de lata, mami, tinapay, damit, gamot at iba pang kailangan na kailangan ng mamamayan.

Hayaan na natin ang mga nakalimot na magpasalamat man lamang sa pagiging Samaritano ng marami.

Naging Samaritano maging ang maraming nasaktan sa pagtingin nilang higit na may napinsala kaysa sa kanila. Hindi natin malilimutan ang mga tumulong na sila mismo ang nagdala ng kanilang tulong sa mga nangangailangan.

Ang Diyos, oo, ang Diyos ang naging lakas at nagbigay ng espiritu ng pagkakaisa, pagtutulungan at pagmamahal ng kapwa sa kapwa.

Salamat sa lahat.

Ngayon nga ay dumarating si Chedeng.

Maaaring mauulit ang kasaysayan ni Ondoy.

Nakahanda na ba ulit tayo na magkaisa, magtulong-tulong at magsakripisyo para sa kaligtasan, buhay at kinabukasan ng iba?

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply