MALAMIG NA LANGIT (Ika-46 labas)

PUTLANG-PUTLA ang binata. Hindi malaman kung paano magri-react sa ibinalita ni Almira.

Wala siyang masabi …

Nainip tuloy ang dalaga sa tagal nang hindi niya pagsagot.

“H-Hello … Romano. Are you still there? Bakit hindi ka sumasagot?” tanong ni Almira mula sa kabilang linya.

Tigas na pagdadahilan tuloy ng binata.

“N-Nasa banyo ako, e! Alam mo na … kailangang bitiwan ko muna ang cp ko,” aniya.

“Narinig mo ba ang sinabi ko?” tanong ni Almira.

“P-Pakiulit nga … hindi ko narinig.”

“Sabi ko’y two months pregnant na ako. At para may magisnang ama ang isisilang ko, kailangang magpakasal na tayo bago lumaki ang tiyan ko,” ulit naman ng dalaga.

“G-Ganun ba? I’m happy na magkakaanak na pala tayo. Pero hindi pa ako ready na magpakasal.

Pag-isipan muna natin iyan at paghandaan,” sagot ng binata.

“What for? May matatag ka namang trabaho at gumaganda na ang business ko. Ano pa ang kailangan nating paghandaan?” takang tanong ni Almira.

“I’m not an ordinary doctor … I’m a surgeon. Hindi ko puwedeng iwan ang trabaho ko nang matagal. May sinumpaan akong tungkulin na magliligtas nang buhay. Please understand that,” sagot ni Romano.

“So, hahayaan na lang nating sumilang ang ating anak nang hindi tayo nakakasal?” malungkot na tanong ni Almira.

“Wala tayong magagawa. Meron nga riyang mga babae na nagbuntis na tinakasan ng nobyo pero hindi nagrereklamo. Hindi kita tinatakasan, Almira. Pananagutan ko ang dinadala mo. But as of this time, hindi pa ako ready na magpakasal. Maghintay-hintay ka lang,” sabi ng binata.

“Kung ayaw mo pa akong pakasalan, wala naman akong magagawa, e! Ipinaalam ko lang sa iyo na magiging tatay ka na,” parang maiiyak na sagot ng dalaga.

“Huwag kang umiyak. Darating din tayo riyan!” sabi naman ni Romano.

Hindi na nagsalita pa si Almira.

Sa puntong ito natapos ang kanilang pag-uusap.

Hindi mapalagay si Romano…

Masamang-masama ang kanyang loob sa naging takbo ng mga pangyayari sa kanyang buhay.

Pero wala siyang masisi kundi ang sarili …

Siya ang lumikha ng multong ngayon ay tumatakot sa kanya.

Kaya sa isip niya, hindi dapat malaman ni Almira na ikakasal na sila ni Charlene.

Tiyak na susumpain siya ng dalaga sa ginawa niyang pagsisinungaling.

Pero mukhang malabo na niyang maitago ang gustong ilihim.

May mga kaibigan sa ospital na nag-sponsor para ilagay sa diyaryo ang nalalapit na wedding nila ni Charlene.

Nag-pursue ang kanilang plano with the permission ng bride.

Ganito ang nakalagay …

“DR. ROMANO SANTAMARIA AND DRA. CHARLENE GOROSPE NUPTIAL …. With matching picture pa nila na sweet na sweet ang kuha …

Nakalagay rin dito kung saan at kung kailan ang kanilang wedding.

Kinabukasan, tahimik na pumasok na ng ospital si Romano …

Binati siya ni Louie …

“Nakita mo na ba, pare?” masayang tanong ng kaibigan.

“Ang alin?” kunot-noong tanong ni Romano.

Sa halip na sumagot, dinampot ni Louie ang nakakalat na broadsheet na pahayagan.

Binuklat ang pahina kung saan naka-ads ang wedding nina Romano at Charlene.

Gimbal ang binata sa nakita ….

“S-Sino ang nagpalagay nito?” pigil ang galit na tanong ni Romano.

“Kami! Nagkontribusyon kami rito para mailabas ang nalalapit ninyong wedding sa mga broadsheet at tabloids pero hindi naman namin ito ginawa nang walang pahintulot ni Charlene,” sagot ni Louie.

Biglang inihilamos ni Romano ang dalawang kamay sa mukha.

Pagpapakita ito na hindi niya gusto ang ginawa nina Louie.

“B-Bakit, pare? Masama ba ang ginawa namin?” takang tanong ng kaibigan. Itutuloy

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply