MALAMIG NA LANGIT (Ika-48 na labas)

“M-MASAKIT, Donna … masakit!” iyak ni Almira sa balikat ng kaibigan.

“Huwag mo siyang iyakan … hindi dapat iyakan ang mga lalaking tulad ni Romano. Narito ako. Magiging karamay mo ako sa lahat ng problema mo,” matapat namang pangako ni Donna kay Almira.

Tumigil sa pag-iyak ang dalagang buntis.

Tumitig sa kawalan …

Kung ano ang laman ng kanyang isipan, tanging siya lang ang nakakaalam.

HAPON, walang imikan sina Romano at Charlene habang inihahatid ng una ang huli pauwi sa kanilang bahay.

Parang may cold war ang ikakasal.

Hindi nakatiis si Dra. Gorospe.

“Kung kailan malapit na tayong ikasal, saka parang nawawala ang closeness nating dalawa.
Bakit, Romano?” baling ng dalaga sa binata.

“God knows na hindi kita inaaway, Charlene. Kung nagkakaroon man tayo ng misunderstanding, hindi ako ang nagsimula,” sagot naman ng lalaki.

“Tama ka. Hindi ikaw ang nagsimula pero ang inaasal mo ang ugat nang hindi natin pagkakaunawaan. May mali ka na hindi ko maisip na tama pero iyong ipinaglalaban,” sabi ng doktora.

“Huwag na natin itong pahabain pa. Kalimutan na lang natin ang nangyari, okey!” biglang sabi ni Romano sabay taas ng isang kamay.

Walang imik na umapir si Charlene sa kanyang future husband.

Iba na ang binuksang topic ng dalaga.

“Darating ba ang mother at sister mo sa araw ng ating kasal? Natawagan mo na ba sila?” tanong ng una.

“Don’t worry. Tiyak silang darating. Hindi nila ako matitiis!” sagot naman ng binata.

Nang dumating sa tahanan ng dalaga, hindi na dumaan si Romano kahit ini-invite na sa house na nila siya mag-dinner.

Katwiran niya’y namamagod siya at gusto nang makauwi para magpahinga.

Pero sa totoo lang, talagang pagod ang kanyang pakiramdam at the end of the day kahit hindi hard labor ang kanyang trabaho.

Matinding isipin ang nagpapahina ng kanyang resistensiya.

Nang dumating sa kanilang bahay, kumain lang ng konting hapunan ang binata at umakyat na sa itaas.

Nagkulong na sa kanyang kuwarto.

Feeling uneasy si Romano kaya naisipan niyang uminom.

Kumuha siya ng canned beer sa kanyang personalized ref.

Painom-inom na nanonood siya ng palabas sa telibisyon.

Nasa gayun siyang ayos nang biglang mag-ring ang telepono.

Napabalikwas ang binata.

Naging magugulatin na siya ngayon.

Numero ng telepono sa house ni Almira ang rumehistro sa caller ID ng kanyang phone.

Kinabahan ang binata.

Iniisip niyang alam na ng dalaga ang balita at kaya siya tinawagan ay para galit siyang usigin.

Natakot tuloy siyang sagutin ang tawag …

Hinayaan niyang mag-ring nang mag-ring ang telepono …

Gusto niyang palabasing wala siya kaya hindi niya nasagot ang tawag.

Hangos siyang bumaba ng bahay.

Kakausapin niya sina Mang Akong at Aling Melinda at pagbibilinan na kapag sila ang nakausap ni Almira, magdahilang hindi na siya umuuwi ng bahay.

At kapag itinanong kung totoo ang nalalapit nilang kasal ni Charlene, saguting wala silang alam.

Pero habang pababa ng hagdanan, nakasalubong niya si Aling Melinda paakyat.

“Tumawag si Almira, iho. Itinatanong kung narito ka. Kako’y baka nakatulog ka kaya hindi mo masagot ang tawag niya kaya plano kong gisingin ka,” sabi ng matandang babae.

Hindi na sinabi ni Romano ang kanyang plano sa matandang babae.

Bumalik na siya sa kanyang kuwarto.

Nadatnan niyang patuloy na nagri-ring ang telepono.

Lakas-loob na niyang sinagot ang tawag.

“H-Hello ….” sabi niya.

Hindi galit ang narinig niyang boses ni Almira sa kabilang linya.

Pero karakang tinumbok ang mga lumabas sa mga pahayagan. Itutuloy

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply