MALAMIG NA LANGIT (Ika-49 labas)

“NOW I know kung bakit hindi mo ako magawang pakasalan. Dahil ibang babae pala ang gusto mong mapangasawa,” deretsong sabi ng dalaga.

“I’m terribly sorry, Almira. Napasubo na ako at hindi na puwedeng umatras. Buntis na kasi si Charlene. Kinausap ako ng father niya at binantaan. Opisyal siya ng pulis at heneral naman ng sundalo ang kapatid niya. Baka kung ano ang gawin nila sa akin kung hindi ko siya pakakasalan,” mabilis na sagot ni Romano.

“Paano na ako? Dahil ba hindi opisyal ng pulis at heneral ng sundalo ang uncle ko, pababayaan mo na lang kami ng magiging anak mo?” may himig ng panunumbat na tanong ng dalaga.

“Kasal lang naman ang hindi ko kayang ibigay sa iyo. Pero hindi ko kayo pababayaan. Pangako ko iyan sa iyo, Almira.”
Umiyak ang dalaga.

“Sana’y hindi mo na lang ako pinaasa para hindi ako naniniwalang tayo ang magkakatuluyan at magsasama sa hirap at ginhawa. Sinaktan mo ang puso ko, Romano,” sabi ng babae.

“Inuulit ko ang paghingi ng paumanhin, Almira. I’m terribly sorry,” naghihirap ang loob na sagot naman ng lalaki.

“Pagkatapos ng sakripisyong ginawa ko sa iyo, ito ba ang igaganti mo? Hindi magagamot ng basta sorry lang ang sugat na nilikha mo sa puso ko, Romano. Hindi!” sabi ng dalaga sabay baba sa hawak na telepono.

Naiwang nakatigagal ang binata.

Awang-awa siya kay Almira at suklam na suklam siya sa kanyang sarili.

Hindi niya namalayan, pumapatak na pala ang luha sa kanyang mga mata.

Nagpatuloy sa paglipas ang mga araw …

Dalawang araw bago ang kasal ni Romano, dumating ang kanyang ina at kapatid mula sa ibang bansa.

Kaagad nilang napuna ang pananamlay ng una.

“Para kang hindi ikakasal. May problema ka ba, son?” tanong ni Mrs. Santamaria sa anak.
“Oo nga. Parang napipilitan ka lang sa gagawing mong pagpapakasal,” ayon naman ni Vivian, kapatid na panganay ni Romano.

Kadugo ang kausap, napilitang ipagtapat ng binata ang kanyang problema.

Simula sa pagkakasakit niya ng necrophilia at ang pag-aalaga sa kanya ni Almira hanggang sa magkaunawaan sila at mabuntis niya ang dalaga pero pinangakuan niya na pakakasalan.

Pero nang makabalik siya sa trabaho, natukso siya sa kapwa doktor na si Charlene.
Nagkaunawaan din sila ng dalaga at nabuntis din niya ito pero sa kanya na natapos ang pamamangka niya sa dalawang ilog.

Kailangang pakasalan niya ang dalaga kundi’y baka kung ano ang gawin sa kanya ng pulis niyang ama at militar na kapatid.

“Nakokonsensiya at naaawa ako kay Almira. Iyon ang dahilan kung bakit hindi ako komportable sa gagawin kong pagpapakasal kay Charlene,” malungkot na sabi pa ni Romano.

“Sino ba ang Almirang iyon at ano ang trabaho?” tanong ni Vivian.

“Dati siyang nagtatrabaho sa beerhouse bilang dancer!”

“Kung sa ginto, wala naman palang kilatis ang babaeng iyon. Tama lang na palitan mo siya, Romano. Hindi siya bagay sa iyo na may magandang propesyon,” sabi ng kapatid.

Kontra naman ang ina.

“Kahit ganoon si Almira, tao rin siya. May damdamin na marunong masaktan. May usapan na pala kayo pero bakit pumatol ka pa sa iba?” usig ni Lilian.

“Narito na ito, Mommy. Magsisi man ako ay huli na!” sagot naman ng binata.

“Ganun naman pala, e! So, tigilan mo na ang sintemyento mo. Wala ka nang magagawa pa kundi harapin ang iyong kapalaran,” sabi ni Vivian.

Hindi na umimik si Romano.

Nagpatuloy sa paglipas ang mga araw.

Hanggang sa dumating ang takdang araw ng kasal nina Romano at Charlene.

Naunang dumating ang binata kasama ang mga abay sa Manila Cathedral …

Marami ng tao na gustong sumaksi sa kasal ng dalaga.

Habang hindi pa dumarating ang bride, marahang iginala ng binata ang kanyang paningin sa loob ng simbahan.

Tumigil ang kanyang paningin sa isang pamilyar na mukha …

Si Almira.

Biglang kinabahan ang binata. Iniisip niyang may masamang gagawin ang dalaga kaya kahit hindi imbitado ay dumalo sa araw ng kanyang kasal. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply