MALAMIG NA LANGIT (Ika-50 Labas)

MABILIS na nilapitan ni Romano si Almira.

“Kung anuman ang binabalak mong gawin, huwag mo nang ituloy. Nakikiusap ako sa iyo.
Magbabayad ako ng atraso sa ibang paraan pero huwag mong sirain ang araw na ito,” pakiusap ng groom sa dalaga.

“Excuse me, Sir. Wala akong nalalaman sa pinagsasabi mo. Sumama lang ako sa friend ko para dumalo sa kasal ng friend niya na si Charlene,” sagot ng kausap.

Natigilan si Romano …

Biglang ikinurap-kurap ang mga mata hanggang sa mapatunayang hindi si Almira ang kaharap.

Hawig lang nang konti …

Pero dahil sa kaiisip niya sa dalaga, dinaya tuloy siya ng kanyang paningin at ang naging tingin niya sa guest ay ang dating nobya.

“S-Sorry. Napagkamalan kita. Akala ko’y ikaw ‘yung taong iniisip ko,” nakangiting sabi ng binata sabay atras.

Bumalik na siya sa unahan ng altar.

Napangiti at napailing-iling naman ang babae.

Hindi naman nagtagal at dumating na si Charlene …

Ang ganda-ganda ng bride sa suot na damit pangkasal.

“Ang ganda ng bride mo, pare. Suwerte ka sa kanya,” sabi ni Louie na tumayong best man ng binata.

Hindi umimik si Romano …

Nakatingin lamang …

Inihatid ni Col. Gorospe si Charlene patungo sa altar at iniabot sa kanyang mapapangasawa.

Ilang saglit pa at sinimulan na ng pari ang wedding ceremony.

Hanggang sa dumating sa point na nagtanong siya sa mga tao sa simbahan.

“Kung sinuman ang may tutol sa kasalang ito, mangyari lamang na tumayo,” aniya.

Kasabay ng tanong ng pari, isang babae ang biglang pumasok sa simbahan.

Parang iisang taong napatingin sa kanya ang mga tao.

Malakas ang kabog ng dibdib na bigla tuloy napalingo sa likuran si Romano.

Pero wala naman pala siyang dapat na ipangamba.

Hindi si Almira ang dumating.

Bisita na nahuli lamang ng dating.

Sa isang bakanteng upuan siya dumeretso at naupo.

Itinuloy na ng pari ang kasal hanggang sa maayos na matapos.

Lumabas ng simbahan ang dalawa na masayang ipinagbubunyi ng mga tao.

May nagsasaboy ng mga bulaklak …

Meron namang bigas ang isinasaboy para maging mabiyaya raw ang kanilang pagsasama.

Sumakay na ang dalawa sa bridal car patungo sa pagdarausan ng reception.

Sa kani-kaniyang sasakyan naman nagsakayan ang mga guests.

Bumabaha ang masasarap na pagkain sa Manila Hotel ….

Gayun din ang mamahaling alak …

Pero hindi malasahan ni Romano ang pagkain …

Pag-inom ng alak ang kanyang inatupag …

Parang tubig lang ito sa kanya …

Hindi siya malasing.

Nang gumabi, isa-isang nag-alisan na ang mga panauhin.

Pati ang ina at kapatid ni Romano ay nagpaalam na.

Kokonti na lang ang mga tao nang kalabitin ni Charlene ang asawa.

“Bahala na ang Daddy sa natitirang panauhin. Umakyat na tayo sa ipinareserba nating kuwarto sa itaas para makapagpahinga,” nakangiting sabi ng babae sa lalaki.

Pumayag si Romano.

Kinausap ni Charlene si Colonel Gorospe na pupunta na sila sa kanilang kuwarto.

Tumango naman ang ama.

Lumabas na ng reception room ang bagong kasal at tinungo ang elevator.

Patingin-tingin sa kanila ang mga nakasakay sa elevator dahil sa suot nilang damit pangkasal.

Pangiti-ngiti lang naman ang bride.

Lumaas sila ng elevator pagdating sa 10th floor.

Habang patungo sa kanilang kuwarto, nagsimulang maglambing na si Charlene sa asawa.

“Buhatin mo ako patungo sa room natin,” sabi ng bagong kasal na doktora.

Pinagbigyan ni Romano ang asawa. Itutuloy

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply