MALAMIG NA LANGIT (Ika-59 labas)

“KUNG gayun, mauna na akong umuwi sa iyo. Sa bahay na lang kita hihintayin,” sabi ni Romano kay Charlene at lumabas na sa clinic ng asawa.

Hindi totoo ang dahilan ng babae na pupunta siya ng mall.

Sa isang hotel sa Ortigas Avenue siya patungo.

May usapan sila ni Bernard na magkikita sa nasabing lugar.

Naunang dumating dito ang binata.

Nakapuwesto siya sa isang sulok ng restoran ng nasabing otel.

Painom-inom ng San Mig Light habang hinihintay ang pagdating ni Charlene.

Sa kabilang parte, nakapuwesto naman si Louie at isang kaibigan.

May pinag-uusapan silang negosyo.

Nasa gayun silang ayos nang bumungad Charlene sa pintuan ng nasabing restoran.

Walang kamalay-malay ang babae na narito ang kasamahang doktor na si Louie at wala rin namang alam ang huli na naritoa ng misis ng kaibigan na si Romano.

Biglang tumayo si Bernard at kumaway kay Charlene para madali siyang mapansin ng babae.
Patungo na ang huli sa mesa ng binata nang mapuna ni Louie.

Taka ang binata kung ano ang ginagawa rito ng misis ng kanyang kaibigan.

Sinundan niya itong tingin kung saang mesa patungo.

Nakita niyang isang lalaki na hindi niya kilala ang ka-date ni Dra. Gorospe.

Mabilis na dinukot ng binata ang kanyang digital camera.

Inilagay sa zoom saka pasimpleng kinunan sina Charlene at Bernard.

Matapos ito, matamang nag-isip si Louie.

Hindi niya maiwasang isipin na naglalaro ng apoy ang doktora na kasamahan sa ospital.

Kung hindi, bakit makikipagtagpo siya sa lalaking kasama na mag-isa lamang?

Ano kaya ang iisipin ng kaibigang si Romano oras na malamang ang asawa ay nakikipagtagpo sa ibang lalaki?

Biglang nalungkot si Louie.

Naaawa siya kay Romano pero nagdadalawang isip naman siyang sabihin sa kaibigan ang totoo.

Hindi niya gusto na pagmulan dito ng gulo.

“Ayokong magtagal tayo rito,” sabi ni Charlene kay Bernard. “Pampublikong lugar ito. Kahit wala tayong ginagawang masama, tiyak na mag-iisip na may milagro tayong ginagawa oras na may kakilala na makakita sa atin,” sabi ni Charlene sa binata.

“Kung gayun, huwag tayo ritong kumain.”

“Pero saan tayo pupunta na walang makakita sa atin?” tanong ng babae.

“May alam akong magandang lugar na pupuntahan,” nakangiting sagot ni Bernard.

“Saan?”

“Basta’t sumama ka sa akin!”

Binayaran ni Bernard ang nainom na beer at magkasabay na lumabas na sila ni Charlene sa nasabing restoran.

Biglang tumalikod si Louie para hindi siya makita ni Dra. Gorospe.

Pero ng makalabas na ang dalawa, naisipan niyang sumunod.

“Sandala lang ako, pare. Babalik din ako rito,” sabi niya sa kasama.

Nakita niyang magkasabay na naglalakad sina Charlene at ng kasama niyang lalaki patungo sa elevator.

Sumakay sila rito paakyat sa hindi matiyak na floor.

Nag-iisip na napailing-iling si Louie.

Nakumpirma niya ang pagtataksil ng asawa ng kaibigan.

Dahil bakit aakyat sina Charlene at ng kasama niyang lalaki patungo sa itaas ng otel kung wala silang gagawin?

Bumalik na siya sa loob ng restoran.

Nang nakaupo na siya sa harap ng mesang pinaghihintayan ng kaibigan, naisipan niyang tawagan ang kaibigang si Romano sa pamamagitan ng cellphone.

Itinanong niya kung nakauwi na ang kaibigan.

Nasa bahay na raw siya, sagot ni Dr. Santamaria.

Nagkunwari siyang may itatanong kay Dr. Gorospe kaya itinanong ni Louie kung magkasabay silang umuwi ni Romano.

“Hindi ko siya kasabay umuwi, pare. Daraan daw muna siya sa mall at may gustong bilihin,” sagot naman ng kaibigan. “Ano ba ang itatanong mo sa kanya at ako na ang magsasabi?”

“Hindi naman importante. Tommorow na lang kapag nagkita kami sa ospital bukas,” sagot ni Louie at pinindot na ang endline ng kanyang cellphone. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply