MALAMIG NA LANGIT (Ika-63 Labas)

ININDA ni Louie ang problema ni Romano.

Siya ang nalungkot, samantalang happy naman ang kaibigan.

Napuna ng huli ang una.

“Parang malungkot ka, pare. May problema ka ba?” tanong ni Romano.

Hindi naiwasan ni Louie ang mapangiti.

Ang kaibigan ang may problema at nakikisimpatiya lang siya.

“Wala. Medyo lang hindi okey ang pakiramdam ko,” sagot ni Louie.

“Baka naman kulang ka lang sa inom. Kung sabagay, matagal na tayong hindi nakakatagay. Kung okey sa iyo, daan muna tayo sa paborito nating watering hole mamaya,” suhestiyon ni Romano.

Tinitigan ni Louie ang kaibigan.

Palagay niya, dapat talaga silang uminom ng kaibigan.

Baka sa puntong ito’y magkahingahan sila ng problema at dito sila makaisip ng solusyon.

“Sige, pare. Inom tayo mamaya!” sabi ni Louie.

Bago dumating ang uwian, pinuntahan ni Romano ang asawa sa kanyang klinika.

Wala ng pasyente si Charlene.

Napasukan niya ang babae na anyong kilig na kilig habang nakikipag-usap sa pamamagitan ng telepono.

Kung lalaki o babae ang kanyang kausap, hindi niya alam.

Nang makita siya ng asawa, mabilis nitong tinapos ang pakikipag-usap sa pamamagitan ng telepono.

“Kumusta? How is your work?” tanong ni Charlene sa lalaki.

“Okey lang!” sagot naman ni Romano.

“Baka nagugutom ka? Ikaw na ang kumain ng meryenda ko,” alok ng babae sa nakapatong na canned softdrinks at pizza pie sa ibabaw ng mesa.

“Busog ako!”

“Bakit mo nga pala ako pinuntahan? Uuwi ka na ba?”

“Gusto ko lang magpaalam. Nagyayaya kasi si Louie na mag-inuman. Baka gabihin ako ng uwi!” sabi ni Romano.

“Kahit umaga ka pa umuwi, okey lang sa akin. Kahit naman magkasama tayo buong gabi, wala namang nangyayari,” sabi ng babae.

Hindi pinansin ni Romano ang sinabi ng asawa.

“Tumawag nga pala ang mommy pagkaalis mo kanina. Hinahanap ka!” sabi ng lalaki.

“Ano’ng sabi?”

“Dumalaw ka raw naman sa kanila. Simula raw nang tayo ay ikasal, hindi mo sila naisipang silipin kahit minsan!” may diin sa pagsasalita na sabi ni Romano at humakbang na palabas ng pintuan ng klinika ni Charlene.

Naiwang natitigilan ang asawa.

Hindi niya ito binuko pero huling-huli.

Ang sabi kasi ni Charlene kagabi kaya ginabi ng uwi, dumalaw sa parents niya. Pero tumawag kanina si Mrs. Gorospe kanina na nagtatampo. Nakalimutan na raw kasi ng anak na dalawin sila matapos magpakasal kay Romano.

Kahit hindi niya prangkahin, alam na ngayon ng asawa na naghihinala siya na may ginagawa itong milagro.

Tuloy-tuloy na lumabas ng ospital ang lalaki.

Nasa labas na si Louie at naghihintay sa kanya.

“Isang sasakyan na lang ang gamitin natin para hindi tayo magkahiwalay. Ang tanong alin sa ating car ang gusto mong gamitin natin?” tanong ng kaibigan.
“Siyempre’y ‘yung bago at modelo,” nakangiting sagot ni Romano.

Natatawang napahawak sa batok si Louie.

“Porke luma na ang kotse ako, tinitira mo ako, pare,” nakatawa niyang sabi.

“Masama ba ang magsabi nang totoo?” tumatawa ring tugon naman ni Romano.
“Sige na! Sa magandang kotse na lang tayo sumakay,” sabi ni Louie at nauna pang sumakay sa kotse ng kaibigan.

Tumuloy sila sa paborito nilang watering hole sa Makati …

Disente ang lugar at hindi maingay.

Sweet and mellow music lang ang pinatutugtog para magkarinigan ang mga nag-uusap.

Pag-upo pa lang ng dalawa, karakang lumapit ang paborito nilang waiter.

Isang bucket ng light beer ang kaagad nilang inorder habang isang order naman ng crispy pata ang pulutan.

“Okey pa ba ang bp mo, pare?” pabirong tanong ni Romano sa kaibigan.  Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply