MALAMIG NA LANGIT (Ika-64 labas)

“PALAGAY ko’y ang iyong sarili ang dapat mong tanungin kung okey ang bp mo, pare. Baka bigla ka na lang atakehin dito,” sabi ni Louie.

Malakas silang nagkatawanan sa biro ng una.

Nagsimula silang makarami ng bote ng beer.

Kahit mahina ang tama nito, nang makarami sila ay tinablan din.

Naging matabil na ang mga dila.

Nawalan na ng kontrol sa pagsasalita.

“M-May ipinaglilihim sa akin hik … si Charlene, pare,” simula ni Romano.

“Ano naman hik … iyon, pare?” tanong naman ni Louie.

“Kagabi, maghahatinggabi na siya nang umuwi. Nang tanungin hik … ko siya, sabi niya ay dumalaw siya sa mga biyenan ko kaya ginabi nang uwi …,” patuloy ng una.

Nakinig lamang ang huli …

“Pero nahuli ko siya na nagsisinungaling kaninang umaga, pare.”

Napatingin si Louie sa kaibigan.

Nasa mukha ni Romano ang kinikimkim na sama ng loob.

“Kaninang umaga, tumawag ang biyenan kong babae na nagtatampo. Aniya, simula raw nang ikasal kami ni Charlene ay hindi na naisipang dumalaw sa kanila kahit minsan.”

Napatango-tango si Louie.

Nakita niya kagabi si Charlene na may kasamang hindi niya kilalang lalaki na kumain sa resto ng isang Five Star Hotel tapos ay umakyat sa itaas.

Ano ang gagawin nila roon?

“Kung sakaling matuklasan mo na pinagtataksilan ka ng iyong asawa, pare … ano ang gagawin mo?” tanong ni Louie.

“Hihiwalayan ko siya. Nag-aalaala lang naman ako sa maaring gawian ng pulis niyang ama kaya pinakasalan ako siya. Pero kung matutuklasan kong sinisira niya ang aking karangalan, hindi ko siya panghihinayangan,” galit na sabi ni Romano.

Biglang tumahimik si Louie.

Hindi niya masasabi sa kaibigan ang natuklasan.

Ayaw niyang maging dahilan nang pagkasira ng kanilang buhay mag-asawa.

“Huwag kang magpahalata na naghihinala ka sa iyong asawa pero bantayan mo ang kilos niya. Kapag nahuli mo siyang nagtataksil, saka ka gumawa ng aksiyon,” payo ni Louie sa kaibigan.

Umapir si Romano sa kaibigan.

Bigla kasi niyang naisip si Almira.

Tinikis niya ang babae dahil kay Charlene pero mukhang lumilitaw na mas ideyal na maging kabiyak ng dibdib ang dating bold dancer kaysa edukadang asawa.

Nag-toast ang magkaibigan at tinapos na ang kanilang inuman.
Hindi sila puwedeng magpakalasing nang husto dahil magmamaneho pa sila ng kani-kaniyang sasakyan papauwi.

Hindi pumayag si Louie na hindi hahatian si Romano sa kanilang chit …

Naghati na lang sila.

Ibinalik ni Dr. Santamaria ang kanyang kotse sa ospital …

Naiwan kasi rito ang kotse ng kaibigang si Louie.

Matapos makuha ng kaibigan ang sasakyan, dumeretso na si Romano sa kanilang bahay sa Valleverde.

Nadatnan niya ang asawang si Charlene …

Asikasong-asikaso siya ng babae …

Kaagad na nagpahain ng pagkain para sa asawa.

“H-Huwag na. Busog ako,” sagot ni Romano at umakyat na sa hagdanan para magtungo sa kanyang kuwarto.

Hangos naman siyang inalalayan ni Charlene …

Ipinaghubad ng sapatos at binihisan ng damit pantulog …

Matapos ito, pinunasan niya ng hot towel si Romano.

Nakapikit lang ang lalaki pero gising kaya alam ang mga ginagawa ni Charlene.

First time na pinakitaan siya ng babae nang ganitong pagpapahalaga.

Bakit kailangang gawin niya ito?

Ganito raw ang mga babaeng may ginagawang kasalanan sa asawa.

Nagiging sobrang lambing. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply