Malasadong air traffic system sa NAIA

MUKHANG maraming dapat ipaliwanag ang dating pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) hinggil sa umano ay P511 milyon depektibong air traffic management system sa ating pambansang paliparan.

Base kasi sa technical audit na isinagawa ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ay lumalabas na may 20 major deficiencies ang nasabing traffic management system na siya ding pangunahing dahilan kung bakit bumagsak ang NAIA sa international civil aviation standards.

Ang air traffic system kasi ang ginagamit ng mga air traffic controllers para magbigay ng hudyat at pahintulot kung kelan at saan dapat lumapag ang padating na eroplano at nang sa gayon ay maiwasan din ang aksidente sa paliparan.

Lumalabas sa pag-aaral na hindi reliable ang bagong install na Area Control Center (ACC) at malaki ang posibilidad na magkaroon ng aksidente sa paliparan kung patuloy na gagamitin ito ng ating mga air traffic controllers.

At dahil nga malasado, muntik pang magkaroon ng trahedya sa NAIA noong nakaraang buwan.

Dangan kasi ay muntik ng magkabanggaan ang dalawang eroplano ng subukan ng NAIA na gamitin ang nasabing depektibong air traffic control system.

Kaya ayon, sa halip na modernong equipment ang gamitin ng mga air traffic controllers sa NAIA ay naobliga sila na gamitin ang lumang traffic system na una pang na-install noong 1980s.

Matatandaan na nang masira ang lumang sistema may dalawang taon na ang nakakaraan ay gumastos din ang DOTC ng may US$200 milyon para i-set up ang Communications, Navigation and Surveillance/Air Traffic Management (CNS/ATM) na may back-up naman ng Manila ACC.

Sa kasamaang palad sa kabila ng malaking pera na ginastos sa mga air traffic system na ito ay wala ng gumagana kahit isa sa kanila.

Tsk! tsk! Ano ba naman iyan? Isipin na lang na hindi birong halaga ang ginasta ng gobyerno para sa mga sistema na ito pero palpak naman pala .

Saan naman kaya napunta ang malaking halaga na iyon?

Hindi tuloy maiwasan mag-isip ng marami nating mga kababayan na malamang sa hindi ay may kumita na naman sa transaksyong ito.

Kaya nga umaasa tayo na bubusisiin ng husto ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang mga maanomalyang kontratang ito lalo na ang contractor na Revere Construction and Supply-CS Soft, Inc. at ang ka joint venture nito na Enhanced Electronics Communications Services na naka-base sa San, Juan, Batangas.

Siyanga pala, naalala ko lang di ba taga Batangas si dating DOTC Secretary Leandro Mendoza?

Nagtatanong lang po.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply