Mana Lily’s Pinangat ipinagmamalaki ng Northern Samar

KADALASAN pag sinabing pinangat, akala ng iba ito ay isda na niluto sa sampalok o kamyas o pinatuyong kamyas at kamatis.

Pero sa Bicol region, popular ang ‘laing’ na luto sa dahon ng gabi at sinangkapan ng gata ng niyog, karne o isda.  Paborito ito ng ilan na iulam sa kanin lalo na sa mga pasahero ng bus patungong Samar at Leyte na pansamantalang humihinto sa Matnog, Sorsogon bus terminal para kumain.

Ang Region 8 na binubuo ng Samar at Leyte  ay mayaman sa halamang gabi.  Ang lamang-ugat nito ay nagsisilbing pangunahing pagkain ng mga Waray kapantay ng mais at bigas.

Ordinaryong putahe na lamang dito ang ginataang gabi na talaga namang nagmamantika sa gata dahil sagana rin dito ang niyog.

Pero ang Mana Lily’s Pinangat na matatagpuan sa Barangay San Juan, Bobon, Northern Samar, ay itinuturing na specialty sa lugar na ito.  Sinasabi ng iba na hindi kumpleto ang pagbisita sa lugar o kaya’y babalik ka ng Maynila nang hindi natitikman ang pinangat ni Gng. Lilia E. Cardeno.

Pinangat

Ang pinangat ay gawa sa dahon ng gabi, gata ng niyog, karne ng baboy o isda at sinasabing pantapat sa kilalang laing ng mga Bicolano.

Sa isang panayam sa telepono kay Mana (tawag sa nakatatandang babae) Lily, sinabi niya na hindi biro at matrabaho ang pagluluto ng pinangat mula sa paghahanda pa lamang ng pangunahing sangkap nito, ang dahon ng gabi.

“Personal kong hinihiwa ng maliliit o pinong-pino ang mga dahon at ibinibilad sa init ng araw hanggang sa matuyo.  Inaabot ng kalahating araw ang pagbibilad sa dahon kapag maganda ang sikat ng araw,” ani Mana Lily.

“Araw-araw bumibili ako ng dahon ng gabi dahil hindi na nakasasapat ang tanim namin sa paligid.  Nag-iimbak kasi ako at sinasamantala ko habang mainit ang araw.”

Aniya, alas-tres (3:00) ng madaling araw ay bumabangon na siya para mamalengke.  Pagdating niya ay sinisimulan na niya ang mano-manong paggagata ng niyog.  Pagkatapos ay huhugasan ang hiniwang mga dahon at isasalang na ito sa kaldero at kasabay ng gata ang karne o isda para sa ‘espesyal na pinangat.’  Sa gatong na kahoy niya ito niluluto dahil mas masarap aniya ang luto kapag sa kahoy.

“Sa una malakas ang apoy hanggang sa kumulo ang gata. Kapag malapit nang matuyo ang gata, baga na lamang ang magsusustine nito sa pagluluto sa loob ng 2-3 oras hanggang sa magmantika na ito at tuluyang maluto.

Ayon kay Mana Lily, 63, katulong ang asawang si Romualdo, 64, at mga anak, tatlong kilo ng pinangat ang kaniyang niluluto kapag walang order.  “Pero pag may order higit pa dito ang ginagawa namin. Madalas kasi na may advance orders kapag may mga bakasyunista na babalik ng Maynila o dadalhin sa abroad.

Ang sahog na karne sa kaniyang pinangat o isda ay hinihiwa ng maliliit bago isabay sa pagluluto sa gata maging ang siling berde at labuyo.  Katamtaman lang naman daw ang anghang ng kaniyang pinangat.

Dahil halos nasa tatlong taon pa lang ang operasyon ng Mana Lily’s Pinangat mula nang ipakilala ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kaniyang specialty, nasa styropore ang kaniyang packaging at iniimbak sa freezer. “Kaya frozen ito na dinadala sa Maynila bilang pasalubong.  Kung dadalhin sa abroad-dapat naka-frozen din para humaba pa shelf life nito.”

Minsan, inilalako niya ito sa mga kapitbahay sa kaniyang barangay at dinarayo na rin ito ng mga kalapit na barangay at bayan.

Bata pa lang si Mana Lily ay namuhay na ng sariling sikap ayon sa kaniya.  Mahilig na siyang magluto kahit walang pormal na pag-aaral.

Sa ngayon, ayon kay Mana Lily, pinangat lang at wala na siyang ibang niluluto.  “Matrabaho na talaga sa pinangat pa lang.  Hindi ko na kakayanin pa.  Minsan nag-aalaga pa ako ng mga apo ko,” pahayag pa ni Mana Lily sa salitang Waray.

Nabigyan din ng panibagong pag-asa ang pinangat ni Mana Lily nang mapili ito bilang isa sa binigyan ng ‘product development’ para mas lalong makasabay sa merkado at kilalaning specialty at pasalubong saan man magtungo ang Pinoy.

Bagama’t may konting kaba si Mana Lily nang imbitahan ng isang Region 8 DTI facilitator para dumalo sa isang entrepreneurial development training, naging ‘buo’ na rin pagkatapos nito ang loob niya dahil nadagdagan siya ng mga makabagong teknolohiya para lalong mapahusay ang kaniyang produkto.

Unti-unti nang ipinakikila sa abroad ang pinangat ni Mana Lily at umaani na ito ng positibong pagtanggap sa Filipino community doon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply