Manny Pacquiao hindi lumipat sa LP – Villar

NILINAW ni Sen. Manny Villar na hindi lumipat si Sarangani Rep. Manny “Pacman” Pacquiao sa Liberal Party (LP) tulad nang inaasahan ng karamihan kahit nagsuot ng dilaw na gloves sa kanyang laban kay Shane Mosley kamakailan.

Sa panayam, sinabi ni Villar, presidente ng Nacionalista Party, na tila inaasahan ng kanyang partido ang pagsampa ni Pacquiao sa lupon ni Pangulong Benigno Aquino III pagkatapos ng halalan na siyang lumulutang na pananaw sa karamihan.

“Di naman, sumusuporta lang siya. Siyempre, presidente na si Aquino, dapat suportahan. Katunayan, sinabihan ko din ang ilang kasamahan sa partido na suportahan namin si Pangulong Aquino,” ayon kay Villar.

Ayon pa kay Villar,  dumadalo si Pacqauio  sa regular na pulong ng partido na pinag-uusapan ang pangkaraniwang pamantayan na isinasagawa ng mga grupong pulitikal sa susunod na halalan.

Umuugong sa pananaw ng taumbayan na tuluyan nang lumipat si Pacquiao sa kampo ni Aquino na pinatunayan pa nitong huling pangyayari nang magsuot ang tinaguriang “pambansang kamao” ng kulay na dilaw na glove sa laban niya kay Mosley kamakailan.

Pinatotohanan din ni Pacman na kahit nagsuot siya ng dilaw na gloves, hindi nangangahulugan na sumakabilang-bakod na siya ng partido, bagkus hindi dapat bigyan ng kulay pulitika ang suot na glove bagkus isang bagay na pagsuporta sa kasalukuyang administrasyon.

Kasabay nito, inihayag din ni Villar na malaki ang posibilidad na makipag-koalisyon ang kanilang partido sa ibang grupong pulitikal sa mid-term election sa 2013 dahil hindi kakayanin ng NP na makapagpatakbo ng kumpletong 12 senador.

Bukod kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, ikinokonsiderang patakbuhin ng NP si Camarines Sur Gov. Luis Rey Villafuerte Jr.,  dating Cavite Rep. Boying Remulla at puwede din umanong makipag-koalisyon sa Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) ni Sen. Edgardo Angara.
“Kung sapat na sana ang edad ni Mark (Las Pinas Rep. Villar), sana patakbuhin ko na siya. Si Pacquaio naman di pa rin husto ang edad,” ayon kay Villar.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply