May kulong sa RH BILL

MAGANDANG pag-aralan ng husto ang panukala na Reproductive Health Bill.

Sapagkat may nilalaman itong pagpaparusa sa mga lalabag dito.

Kabilang sa mga maparurusahan ang magsasalita laban sa batas.

Maganda sigurong ilabas sa media (diaryo, radyo, telebisyon at internet) ng mga may panukala ang lahat ng nilalaman ng RH Bill.

Sa totoo lang, marami sa mamamayan ang nangangapa kung ano ang panukalang ito.

At kung totoo na may parusang pagkakulong sa mga magsasalita laban dito, anong klaseng batas yan, huh?

Yan ngang Konstitusyon ay inaatake ng kung sino-sino at may gusto pang magretoke at magbasura nito sa pamamagitan ng Chacha, yan pa kayang RH Bill na yan?

oOo

Kabilang dapat sa mga ilabas ng mga may panukala ng RH Bill ang kanilang mga isponsor o taga-lobby.

Sa ibang mga bansa, ligal ang pagla-lobby o paglalakad para maipasa ang panukalang batas.
Dito sa atin, hindi gaanong lumalantad ang mga ito at basta sinususian lang nila ang mga mambabatas na sabihin kung ano ang gusto nila.

Ito bang mga isponsor ng mga kongresman ay mga malalaking kompanyang dayuhan na gumagawa ng mga condom, pildoras, gadget at iba pa na pangkontrol o pampigil sa pagdami ng lahi ni Juan?

Dapat ding malaman kung magkakakomisyon ang mga mambabatas mula sa mga kompanya sa pagkakabenta ng mga produkto ng mga kompanya.

May nagsasabing libre ang mga panlaban sa pagbubuntis. Pero aangkatin yan ng pamahalaan nang bultuhan at bilyon-bilyong piso ang magiging halaga niyan.

Bilyon-bilyong halaga rin ang usapan kung oobligahin ng RH Bill ang lahat ng mga employer na bumili ng mga produktong RH Bill para sa kanilang mga empleyado.

Sey ninyo, Suki.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply