Mga daga sinusuyod na sa Bulacan

SINUSUYOD na ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang mga perhewisyon at mapaminsalang daga  sa mga pananim na  nakaapekto na sa 16 na bayan doon.

Batay sa ulat ni Gloria Carillo, provincial agriculturist ng Bulacan, mula sa isang porsiyento na karaniwang pinsala na idinudulot ng daga sa isang bayan mula noong Setyembre 2010 ay tumaas umano ito sa lima hanggang 20 porsyento.

Pinakamatinding sinalakay ng mga daga ang bayan ng San Ildefonso na umakyat sa 45 porsyento ang pananalasa ng mga itinuturing peste sa mga taniman.

Apektado rin umano ng mga daga ang mga taniman sa mga bayan ng Bulacan, Hagonoy, Calumpit, Pulilan , Paombong, Bocaue, Balagtas, Guiguinto, Plaridel, Pulilan, Baliuag, Pandi, Bustos, San Rafael, San Miguel at Malolos.

Mula noong Setyembre, tinatayang aabot na umano sa P2 milyon ang halaga ng mga pananim na pininsala ng mga daga sa bawat nabanggit na bayan.

Nitong Martes, Mayo 17, pinangunahan ni Bulacan Gov. Willy Alvarado ang paglulunsad ng kampanya laban sa mga daga sa ilang barangay sa Pulilan at Baliuag.

Sinabi ni Cristina Geronimo, agricultural technician, bahagi ng kampanya ng lalawigan kontra sa mga daga ang pagkakaloob ng P5 pabuya sa bawat mapapatay na “peste.”

Isang palatandaan kung gaano kalala umano ang problema sa daga at kung gaano naman kaepektibo ang paglalaan ng pabuya ay ang pagpresinta ng isang magsasaka mula sa Pulilan ng 390 buntot ng daga na kanyang napatay.

Kasama rin sa kampanya laban sa mga daga ang pagpapahiram ng kapitolyo ng mga flame thrower na maaaring gamitin ng mga magsasaka para mapalabas sa lungga ang mga daga.

Dagdag pa ni Geronimo, lubhang mabilis magparami ang mga daga kaya kailangan ang agarang aksiyon para mabawasan ang kanilang populasyon. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply