Mga kapanalig ni Merci pinagreretiro na ni Kiko

BILANG delikadesa, ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, dapat tularan ng mga kaalyado ni Ombudsman Merceditas Gutierrez ang kanilang amo at magbitiw o magretiro na rin mula sa kani-kanilang puwesto sa Office of the Ombudsman.

Ang partikular na tinutukoy ni Pangilinan ay ang mga umano’y mga nagligtas kay ex-military comptroller Carlos Garcia sa kasong plunder.

Ito ang naging panawagan ngayon (Martes) ni Pangilinan kina Deputy Ombudsman Emilio Gonzalez III at mga special prosecutor nito tulad ni Atty. Wendell Barreras-Sulit.

Ayon kay Pangilinan, hindi na nararapat pa sa kanilang mga pwesto sina Gonzalez, Sulit at apat na iba pang special prosecutor ng Ombudsman matapos na ilaglag ang kasong plunder laban kay Garcia sa pamamagitan ng pagpasok sa plea bargaining agreement na umano’y masyadong pabor kay Garcia.

Magugunitang sa nakaraang pagdinig ng Senado sa issue ng plea bargaining, nagmistulang tagapagtanggol ni Garcia ang mga special prosecutors ng Ombudsman.

Ayon kay Pangilinan, ito ay matibay na ebidensya na hindi na dapat manatili sa puwesto ang nasabing mga opisyal.

Nauna nang inirekomenda ng Senado sa Malakanyang ang pagpapatanggal kina Sulit, Deputy Special Prosecutors Roberto Callos, Atty. Jesus Michael, Jr., Asst. Special Prosecutors Atty. Jose Balmeo, Jr., at Joseph Capistrano dahil sa pagpasok sa nasabing kasunduan, na kung saan ay ibinaba na lamang ang kaso ni Garcia sa indirect bribery sa halip na plunder.

Kasabay rin nito, iginiit ni Pangilinan na dapat magretiro na rin ang mga midnight appointee ni Gutierrez.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply