Miriam, sinopla ni Kiko sa ‘sabong’ sa Palasyo

SINOPLA ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang pananaw ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na may ilang grupo sa Palasyo ang nagkukumahog na maitalaga ang kani-kanilang “manok” bilang susunod na Ombudsman.

Sa panayam, itinanggi ni Pangilinan na may paksyon sa loob ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III na siyang sumisira sa nagagawang kabutihan ng Pangulo sa sambayanan.

Taliwas ito sa pananaw ni Santiago na nagkakaroon ng umpugan ngayon sa loob ng Palasyo dahil kanya-kanyang manok ang iniaalok kay Pangulong Aquino kapalit nang nagbitiw na si Ombudsman Merceditas Gutierrez upang makontrol ang pambato ng administrasyon sa pampanguluhang halalan sa taong 2016.

Ngunit, ayon kay Pangilinan, wala siyang nakikitang namamayaning paksyon sa loob ng administrasyon.

“Sa aking pakiwari, iisa lang ang grupo sa loob ng administrasyon at ito ang mga tagasuporta ng Pangulo,”diin ni Pangilinan, na miyembro ng administration party na Liberal Party (LP).

Nitong Martes, sinabi ni Santiago na tumitindi ang bangayan ng dalawang grupo sa Palasyo sa isyu ng susunod na mauupong Ombudsman.

“If the (next) Ombudsman is not a (Vice President Jejomar) Binay fan, he or she can cripple Binay’s trajectory in 2016 presidential election simply by publishing the cases in Sandiganbayan. That is how political it is,” giit ni Santiago,

Taliwas din ang pananaw ni Pangilinan sa kumpirmasyon ni Sen. Francis “Chiz” Escudero sa pagkakaroon ng “Balay Group” at “Samar Group” sa loob ng Palasyo.

Ang Balay Group ay grupo ng Liberal Party (LP) na ang headquarters ay ang Balay sa Cubao, Quezon City, habang ang Samar Group, na sumusuporta kay Binay, ay may headquarters naman sa Samar St. sa likod ng GMA7 Network sa nasabi ring lungsod.

Noong nakaraang MIyerkules ay sinisi ni Escudero ang Presidential Communications Group kung bakit bumagsak ng 18 percentage points ang satisfaction rating ng Aquino administration sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS).

Ayon sa senador, hindi naipaparating nang maayos sa publiko ang mga nagawa ng Pangulo para sa sambayanan.

Ang mga opisyal ng Communications Group ay napabalitang nag-uumpugan dahil sa paksyon ng Balay at Samar Group.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply