Mosley matanda na, ‘di tatagal kay Pacquiao

KUMPIYANSA ang mga Filipino na tiyak na ang panalo ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao sa laban kay Sugar Shame Mosley dahil may edad na ang 39-anyos na Amerikanong boksingero.

Oras na lumampas umano sa Round 4 ang laban ay babagal at manghihina na si Mosley at maaaninag na ang pagiging matanda nito.

“Iba ang boksing, dahil sa bosking kapag umabot ka sa edad na 35 ay bumabagal na ang boksingero e’ lalo kaya kung 39 ka na,” ayon sa isang masugid na boxing fan.

“Sure win ito para kay Pacman at para lang siyang namumulot ng pera sa Las Vegas dahil kitang kita ang mismatch sa laban,” dagdag ng fans.

Hindi umano magiging hadlang kay Pacman ang laki at mahabang galamay ni Mosley dahil kakaiba ang bilis ng Pinoy.

Ayon sa mga boxing analyst, nakapagtatakang kung kailan umabot si Pacman sa edad na 32 ay saka siya lalong lumakas.

Sa kabilang banda, si Mosley ay halatang pababa na ang lakas at malaki na ang ibinagal sa ipinakita nitong huling laban.

Ipinusta na ni Coach Freddie Roach ang kanyang kikitain kay Pacman sa laban dahil siguradong siya na ang mananalo.

Tumimbang si 5-time world champion “Sugar” Shane Mosley ng eksaktong 147 pounds samantalang si 8-division world champion Manny Pacquiao ay mas magaan ng 2 pounds sa kano sa timbang na 145 lbs.

Sa lahat ng kanyang laban, ito na ang pinakamabigat na timbang ni Pacquiao dahil sa huling laban niya kay Antonio Margarito para sa WBC super welterweight title, pumalo lang ang kanyang timbang sa 144 pounds.

Sa weigh-in, kitang-kita na mas matangkad at malapad si Mosley samantalang mas payat ngayon si Pacman.

Patunay ng pagiging makabayan at tahasang pagpapakita ng suporta sa mga Filipino, nakasuot si Pacman ng dilaw na t-shirt bukod pa sa dilaw na boxing gloves na gagamitin niya sa laban na, ayon sa kanya, sumisimbolo sa pagkakaisa at sa paglaban ng mga Filipino kontra sa kahirapan.

Ayon sa ulat, umabot sa 10,000 fans ang nanood ng weigh-in na karamihan ay mga Filipino.

Sinabi ni Pacman na ito ang pinakamatinding training na ginawa niya sa kanyang career dahil naniniwala siya na mahusay at matibay ang kanyang kalaban.

Sa huling sandali ng bakbakan, sinabi rin ni Pacman na pababagsakin niya si Mosley kung makasisilip siya ng pagkakataon.

Sa loob ng mahigit 50 laban ni Mosley ay wala pang boksingero ang naka-knockout dito kaya pipiliting gawin ni Pacman ang imposible – pabagsakin si Mosley.

Isiniwalat naman ni Top Rank Boss Bob Arum na tatanggap si Pacman ng guaranteed purse na $15 million, samantalang si Mosley ay $5 million.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply