Nakababahalang patayan sa Bukid area, Caloocan

NOONG nakaraang Sabado (Mayo 28), napakinggan natin ang  panayam sa DZMM kay NCRPO director C/Supt. Allan Purisima.

At isa sa laman ng phone-patch interview ng katotong David Oro sa Metro Manila police chief ay tungkol sa  mga tamad na pulis.

Iminungkahi kay Purisima ang agarang pagpapatalsik sa police chiefs kung may mangyayaring krimen sa kanilang hurisdiksiyon.

Inihahalintulad ito sa ‘strike one’ policy ni Dir. Gen. Raul Bacalzo sa gambling na sisibakin ang hepe kapag nahulihan ng jueteng sa kanyang lugar.

‘Di pumayag si Purisima sa suhestiyon, subalit nilinaw niya na kanyang sisibakin ang mga hepe na pabaya sa kanilang trabaho.

Ang isa o dalawang krimen na nangyayari ay puwede pa aniyang pagbigyan ang isang police chief para manatili sa kanyang puwesto.

Ngunit kung ang krimen ay madalas na, aba’y  dapat nang palitan ang police chief dahil malinaw, aniyang, siya’y tamad.

Dahil, paliwanag niya, ‘di mangyayari ang sunod-sunod na krimen kung ang police chief at mga tauhan ay nagtatrabaho.

Kung pagbabasehan ang pahayag ni Purisima, e, swak ang kasalukuyang pumunuan ng Caloocan police station.

Aba eh, sa mga pahayagan at radio, nangunguna ang lungsod sa listahan ng mga lugar sa Kamaynilaan na sandamakmak ang patayan.

Walang araw na walang nangyayaring krimen, lalo na ang murder incidents sa Caloocan, partikular sa Bukid area (Camarin).

Noong Huwebes lamang, pinatay ang negosyanteng si Alexander Lim Chua, 53, habang nagpapahinga sa kanyang Buenamark KTV sa Kaybiga.

Hanggang ngayon, walang makitang ‘lead’ ang Caloocan police sa pagkakakilanlan sa mga salarin na tumakas sakay ang motorsiklo.

Take note, lahat ng nangyayaring patayan sa lugar na ito ng lungsod ay mga naka-bonnet at nakasakay sa motorsiklo.

Sa palagay natin, may problema ang kasalukuyang liderato ng Caloocan police dahil sa dami na ng nangyayaring patayan, wala pa silang nalulutas.

Pakiwari natin eh, baka nga tamad ang kasalukuyang liderato ng Caloocan police kaya napakaraming nangyayaring krimen sa lungsod.
Gen. Purisima, baka puwede mong silipin ang Caloocan City police.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply