Nakabundol sa traffic enforcer kakasuhan

INIUTOS ngayon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa jeepney driver na bumundol at nakasugat sa isang traffic enforcer kaninang  ng umaga.

Naka-impound na rin ang ipinapasadang pampasaherong jeepney na may plakang NXS-265 na minamaneho ni Frederick Salio matapos niyang bundulin ang motorsiklong minamaneho ni Edwin Lamban, miyembro ng Task Force Lawin.

Ang insidente ay nangyari habang hinahabol ng traffic enforcer si Salio matapos itong lumabag sa 60-kilometer speed limit sa Commonwealth Ave. dakong 8:30 ng umaga.

Ayon kay Tolentino, tinangkang harangin ni Lamban ang jeepney na minamaneho ni Salio, subalit sa halip na huminto ay pinaharurot pa nito ang sasakyan patungo sa Litex area kaya’t hinabol siya ni Lamban.

Gayunman, nang aabutan na ni Lamban ang jeepney ay sinagi ng suspek ang traffic enforcer, na nagkasugat sa kamay at paa.

Sinabi pa ng MMDA chief na isang patunay ito na sadyang hindi na iginagalang ng mga kaskaserong tsuper ang batas kaya’t kahit sino ay puwede nilang biktimahin.

Binigyang-diin pa ni Tolentino na ginagawa nila ang lahat ng hakbang at ligal na pamamaraan upang masolusyunan ang problema sa trapiko at mabigyan ng kaligtasan sa aksidente sa lansangan ang mga pedestrian at motorist.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply