Nakaw

NAISALANG na sa imbestigasyon sa Kamara ang isang car-dealer na taga-Mindanao na isinasangkot sa big time car smuggling.

Live na naman sa tv ang imbestigasyon sa Congress at interesting dahil makulay ang mga tanong at maraming mga pictures dahil ipinapakita ang maraming magagandang motorbikes na pag-aari daw nung pinagbibintangan na smuggler.

Naging hit ang isyung ito dahil ang isa sa bike na sinasabing nakaw at natagpuan dito sa Pilipinas ay pag-aari ng isang sikat na movie script writer sa Amerika na si Skip Woods.
Ilan sa mga sikat na screenplay na sinulat ni Woods ay ang “A-Team” at X-Men. Sinasabing si Woods din ang sumusulat ng script para sa pelikulang Die Hard 5 kung saan bida si Bruce Willis.

Sikat na tao si Woods, natural sikat din kapag nanakawan sya ng $80 Thousand  na halaga ng motorsiklo na natunton nga dito sa atin, sa Cagayan de Oro.

Nakakahiya.

Ang mas interesting ay ang Federal Bureau of Investigation (FBI) pa mismo ang nagbunsod sa nasabing imbestigasyon.

Nakita daw kasi ni Woods ang larawan ng kanyang  bike na binebenta sa internet kaya humingi sya ng tulong sa FBI.

Kaya naman ganun na lang ang atensyon sa kasong ito ng smuggling dahil involved sa imbestigasyon ang mga Kano.

Hindi ba nga at yun ding kaso ng tangkang pagpupuslit ng pera ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines palabas sa bansa ay itinimbog din ng mga imbestigador na kano?
Sumikat ang isyu ng korapsyon sa AFP dahil sa susog ng mga Kano, ngayon naman ay baka sumiklab din ang isyu ng korapsyon sa Bureau of Customs dahil na naman sa mga kano.

Siguro ang magiging lusot ng mga sangkot sa smuggling ng mga mamahaling motorsiklo ay hindi nila alam na nakaw ito.  Gaya ng lusot ng ilan sa mga sundalo na sangkot sa money-laundering, hindi daw nila alam na may ganun kalaking pera silang inilalabas ng bansa.

Kung hindi siguro sangkot ang mga kano at hindi naging sobrang sikat sa mundo ang mga kasong ng nakawan na ito baka maari pang patayin ang isyu pero involved ang Amerika at ang international media kaya marami ang tumututok sa kaso lalo at televised ito.

Hindi tuloy malaman ng marami kung magpapasalamat sa kano dahil sa mga nabunyag na kaso ng big-time nakawan na ito o maiinis dahil sumisikat na naman tayo dahil sa pangit na dahilan.

Pero bago ko tapusin ang isyu ng kolum natin ngayon, gusto ko lang bigyang diin na hindi lusot sa batas ang katuwiran na “hindi ko kasi alam.”

Kung naging kasangkapan ka sa pagpupuslit ng nakaw na pera hindi ka makakalusot sa pananagutan dahil lang sa alibi na “hindi ko alam eh.” At sa isyu natin ngayon, kung bumili ka ng nakaw, hindi ka makakalusot sa parusa ng batas kung ang rason mo ay “hindi ko alam eh!”

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag- email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong salobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply