FB, Twitter gagamitin laban sa kalamidad

SA pagtatangka na maipatupad ang “zero-casualty order” kontra kalamidad at makapaghatid ng oras-oras na balita hinggil sa banta ng mga bagyo gaya ng “Chedeng” ay opisyal nang gumawa ang pamunuan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng kanilang Facebook at Twitter accounts.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Benito Ramos, nagdesisyon silang gumawa ng Facebook atTwitter accounts para mas mabilis na makapagbigay ng advisory sa publiko.

Sinabi pa ni Ramos na partikular na kanilang “ipo-post” sa kanilang FB at Twitter accounts ay ang mga advisory hinggil sa mga lugar na posibleng bahain base sa kanilang monitoring, tulad ng pagbabantay nila kay Chedeng na pabago-bago ng direksyon subali’t nanatiling may banta na maging isang ganap na “supertyphoon” sakaling mag-landfall.

Kaugnay nito, nakiusap si Ramos sa publiko na huwag nang bumiyahe sa mga lugar na nasa ilalim ng babala ng bagyo.

Anito, may mga na-stranded nang biyahero sa mga pantalan sa ilang lugar na dadaanan ng bagyo.

Kasabay nito ay tiniyak din ni Ramos na handa ang lahat ng kagamitan at kanyang mga tauhan pagsumapit na ang “ora de peligro.”

Ang naturang pahayag ng opisyal ay inilabas ng NDRRMC sa pamamagitan ng kanilang Facebook account, kung saan maraming tao na ang nakikinabang dahil sa instant access sa impormasyon mula sa ahensya.

Siniguro naman ng Malakanyang na mananatiling kontrolado ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III  ang lahat ng kautusan na lalabas sa Palasyo habang nananalasa ang bagyong “Chedeng.”

Ito ay kahit pa nasa Thailand si Pangulong Aquino para sa isang state visit.

Kaninang umaga, Huwebes, umalis ang Pangulo para sa kaniyang state visit sa bansang Thailand.

Sinabi ni presidential spokesman Edwin Lacierda na kahit nasa ibayong dagat ay personal pa rin umanong tututukan ng Pangulo ang sitwasyon sa bansa.

Habang wala sa bansa ang Pangulo, inatasan na rin nito sina Executive Secretary Paquito Ochoa, Defense Secretary Voltaire Gazmin, Interior Secretary Jesse Robredo at Social Welfare Secretary Dinky Soliman na manguna sa pagpapatupad ng mga contigency measures ng pamahalaan.

Samantala, tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may sapat na pondo ang gobyerno para matulungan ang mga kababayang maapektuhan ng bagyong Chedeng.

Ayon kay Soliman, kasalukuyan ay may P25.73-milyon pondong maaaring gamitin sakaling lumala ang epekto ng bagyo.

Kabilang aniya sa nabangggit na pondo ang P3.19 milyon bilang standby fund at P22.53-milyon halaga ng relief goods.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply