NEDA chief Paderanga kinumpirma ng CA

BAGAMAT matindi ang oposisyon ng ilang personalidad sa business community, nakalusot pa rin sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang kumpirmasyon ni National Economic Development Authority (Neda) Director-General Cayetano Paderanga Jr.

Walang tumutol sa kumpirmasyon ni Paderanga bago pukpukin ni Senate President Juan Ponce Enrile, chairman ng CA, ang gavel na naghuhudyat sa pag-aapruba ng komisyon sa paghirang kay Paderanga bilang pinuno ng Neda.

Nitong ilang araw, ilang lobbyist ang lumiham kay Enrile upang harangin ang kumpirmasyon ni Paderanga.

Sa loob ng mahigit dalawang-oras na deliberasyon sa pulong ng CA, mahigpit na ipinagtanggol ni Paderanga ang sarili laban sa mga akusasyon, partikular ang paratang na hindi naging mahusay ang pamamahala nito isang pribadong kompanya.

Minsan nang nagsilbi si Paderanga sa Gabinete ng yumaong Pangulong Cory Aquino bilang Neda director-general din.

Kabilang sa tumututol sa paghirang kay Paderanga sina dating Foreign Affairs Secretary Roberto Romulo at   stock exchange director Vivian Yuchengco na kapwa nagpadala pa ng liham sa CA.

Sa liham ni Yuchengco, ibinanat nito kay paderanga ang lagi nitong pag-absent at hindi pag-kumpleto ng kinakailangang oras ng pagtatrabaho noong ito pa ang presidente ng Philippine Stock Exchange noong 2004.

Ilang anomalya naman ang ipinukol ni Romulo kay Paderanga noong ito pa ang chairman ng CIBI Information Inc. mula 2000 hanggang 2007.

Pagtitibayin kaagad sa plenary ang nominasyon ni Paderanga.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply