Nurisng grads, ginipit ng PLP

NAGIGIPIT ngayon ang mga nagtapos na estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasay (PLP) upang makapag-review sa Nursing Board Exam dahil sa kabiguang makakuha ng Transcript of Records mula sa nabanggit na eskwelahan.

Napag-alamang marami nang estudyante ng PLP, partikular na ang mga nagtapos ng kursong nursing, ang bigong makapagpapirma sa kanilang mga naging propesor dahil sa iba’t ibang katwiran; hindi mahagilap at ang iba naman ay naka-leave.

Ayon sa impormasyon, ang mga propesor na ito ang kinakailangang pumirma sa requirements na hinihingi ng mga tanggapan ng eskwelahan bago maibigay o makuha ang Transcript of Records ng mga nagtapos na estudyante.

May pagkakataon pa, ayon sa ilang estudyante, na napirmahan na ng ilang propesor ang dokumentong kinakailangan nila subalit pagdating sa kinauukulang tanggapan ng PLP ay nire-reject dahil may pagkakamali umano.

Sa muling paghahanap ng mga nagtapos na estudyante ay bigo na silang mahagilap ang lumagdang propesor kaya’t tanging pag-iyak na lamang ang kanilang ginagawa habang ang iba naman ay natututong dayain ang pirma ng propesor.

Nito lamang Lunes, sumugod na ang ilang magulang sa PLP at tahasang hinarap ang mga clerk at propesor sa pamantasan hinggil sa pagpapahirap na ginagawa sa mga nursing graduates.

Ayon sa mga nagtapos na estudyante, nabigo umano ang ilang tiwaling propesor at tiwaling opisyal ng pamantasan na magkamal ng salapi sa kanila matapos lumabas sa media ang matagal ng pangungurakot na ginagawa sa kanila.

Maging nitong nakalipas na pagtatapos ng mga mag-aaral, tahasang pinabalik ni Pasay City Mayor Antonino Calixto ang napakalaking siningil ng PLP sa mga estudyante.

Naniniwala ang mga magulang at mga nagtapos na estudyante na kabiguang kumita ng malaking pera ang dahilan ng ginagawang panggigipit sa kanila ngayon kaya’t bigo silang makuha ang hinihinging requirements ng review center na kanilang pinapasukan upang makapaghanda sa darating na Nursing Board Exam.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply