Obispo kay PNoy: Sibakin ang sangkot sa VIP treatment sa Bilibid

UMAPELA ang isang obispo ng Simbahang Katoliko kay Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na huwag pairalin ang “kaibigan system” kaugnay sa isyu ng VIP treatment sa New Bilibid Prisons (NBP).

Nanawagan si Basilan Bishop Martin Jumoad sa Pangulo na kaagad na sibakin sa puwesto ang mga taong sangkot sa iskandalo tulad nang ginawa nitong agad na pagsibak kay dating PAGASA weather chief Prisco Nilo noon.

Naniniwala ang obispo na malaki ang pananagutan ni on-leave Bureau of Corrections (Bucor) director Ernesto Diokno sa paglalabas-masok sa NBP ni dating Batangas Gov. Antonio Leviste.

Sinabi ni Jumoad na trabaho ni Diokno na linisin ang katiwalian at nadatnan na niyang kalakaran sa NBP bilang bagong pinuno nito at hindi ang magpatangay lang sa agos.

“Maraming problema sa jail na parang hindi niya (Diokno) natutukan. It’s a command responsibility. Whether you like it or not he has to be responsible of what happened,”  bahagi ng pahayag ni Jumoad sa panayam ng church-run na Radyo Veritas.

“Iyong makikita natin na the same pala ang treatment ni PNoy sa mga pinuno ng pamahalaan na may pagkukulang sa kanilang tungkulin.  Akala ko may integrity si Pangulong Aquino pero wala pala. Kaya nga dismayado ako with the way the President lead our country,” ayon pa sa obispo.

Una nang nag-leave sa puwesto si Diokno matapos na paimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang nabuking na paglabas sa NBP compound ng walang permit ni Leviste, convicted sa kasong homicide matapos mapatay ang kaniyang kaibigan na si Rafael delas Alas sa loob ng kaniyang tanggapan sa Makati City noong 2009.

Hinamon rin naman ni Jumoad si Pangulong Aquino na magpatupad ng total revamp sa lahat ng kulungan sa bansa upang masawata na ang special treatment sa mga kilalang personalidad.

“Pabor ako sa total revamp. Hindi lamang sa NBP kundi maging sa lahat ng kulungan sa bansa katulad sa piitan ng Camp Bagong Diwa sa Taguig kung saan nakakulong ang mga Ampatuan na binibigyan din ng VIP treatment. Kahit dito sa Basilan marami ng naitalang jailbreak sa mga kulungan. Familiarity sometimes hindi maganda,” dagdag pa ni Jumoad. Kyle Gatus

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply