Obrero abunado pa sa P22 Ecola ni PNoy

ABUNADO pa ng walong piso (P8) ang manggagawang sa pamasahe sa pagpapatupad ng P30 singil sa MRT-LRT sa ibinigay na P22 economic cost of living allowance (Ecola) ni Pangulong Benigno Aquino III bilang extra benipisyo sa minimum wage earner.

Ganito ang paniniwala ni Sen. Manny Villar sa sinasabing benipisyong ekonomikal sa inaprubahang P22 Ecola ng Regional Wage Board sa halip na P125 across the board increase sa sahod ng manggagawa.

“Ubos na kaagad sa pamasahe pa lamang ang P22 Cola na ipinagkaloob ng regional wage board sa manggagawa sa pribadong sektor ng Metro Manila,” ayon kay Villar.

Base sa datos na nakuha ni Sen. Manny Villar, chairman ng Senate committee on economic affairs, aabot sa 9.9 percent ng kabuuang halaga ng suweldo ng manggagawa ang napupunta sa pamasahe.

“At dahil tumaas na ang pasahe sa jeep, taxi, bus at tren, halos wala ring silbi ang karagdagang Cola sa mga manggagawa kundi ipangtapal lamang sa gastos sa pasahe,” dagdag ni Villar.

Sinabi pa ni Villar, dapat mas malaking umento ang ipinagkaloob ng wage board sa manggagawa upang hindi naman sila magmukhang kawawa sa mga nagtataasang presyo ng bilihin at pasahe.

“Kaya nga pabor ako sa P 125 legislated wage hike para matulungan yung mga pobreng manggagawa,” ani Villar.

Nitong nagdaang araw lamang, inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag pasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).

Sa MRT, magiging P 11 na ang boarding fee at karagdagang P1 kada istasyon. Habang sa LRT-1, P30 na ang pasahe mula Baclaran hanggang Roosevelt samantalang sa LRT-3, P25 na ang byaheng Recto hanggang Santolan.

Umaabot sa isang milyong pasahero bawat araw ang sumasakay sa MRT at LRT-1 habang 250,000 naman pasahero kada araw sa LRT-2. Sa bilang na ito, 81 porsyento ay nagtatrabaho, 12 porsyento ay mga estudyante at pitong porsyento lamang ang walang trabaho.

Umapela din si Villar sa gobyerno sa maghinay-hinay sa pagsasapribado ng LRT at MRT dahil kailangang isalang-alang nila ang kapakanan ng mananakay, imbes na interes ng mga pribadong korporasyon.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply