Orcullo silat sa PNG billiards

BACOLOD CITY —  Mistulang ‘superstar’ ang bagitong si Sip Tingson nang gulantangin ang world 9-ball champion na si Dennis Orcullo, 9-5, sa quarterfinal match ng billiards competition ng POC-PSC National Games sa Gaisano City Mall dito.

Dinumog ng kanyang mga kaanak at kababayan ang 21-anyos na si Tingson nang maihulog ang huling bola para kumpletuhin ang dominasyon sa dating world No. 1 at Asian Games champion sa harap ng halos isang libong manonood na dumagsa sa torneo.

“Hindi po ako makapaniwala na mananalo ako. Basta laro lang ang nasaisip ko at kumpiyan sa bawat tira ko, suwerte naman po ang nakalamang ako at nanalo sa aking idol,” pahayag ng merchant marine graduating student mula sa La Carlotta City, Negros Occidental.

Sa kabiguan ni Orcullo, tanging sina Jeffrey Luna, Ramil Galleco at two-time world champion Efren ‘Bata’ Reyes ang nalalabing national players sa labanan tungo sa kampeonato ng 64-man draw.

Ngunit, para kay Orcullo ang kaganapan ay isang patunay na mas marami ng players ang posibleng mapabilang sa national team.

“Talented ang bata, talagang mahusay. At least itong PNG ay magbibigay ng malaking pagkakaton para sa mga batang players,” pahayag ni Orcullo, ang bayani ng Pilipinas sa 2010 Asian Games sa Guangzhou.

“Dapat kunin siya sa team at mai-train ng husto para sa SEA Games,” aniya.

Lutang ang kahusayan ni Tingson ng kunin niya ang trangko sa 4-2 at tuluyang lumayo sa 7-5 at hindi na binigyan ng pagkakataon si Orcullo na makabawi sa kanilang winners break duel.

Para kay Tingson, ang panalo kontra sa isa sa pinakamalaking pangalan sa billiards ay isa nang katuparan ng kanyang pangarap.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply