P165M pabaon ng Sandigan kay Garcia – Guingona

MATINDING kinuwestiyon ni Sen. Teofisto Guingona III ang desisyon ng Sandiganbayan sa plea bargaining agreement kay dating AFP comptroller (ret.) Major Gen. Carlos Garcia na tila pinabaunan pa ng korte ang heneral ng halagang P165 milyon.

Sa panayam, sinabi ni Guingona na lumilitaw sa desisyon ng Sandiganbayan na pag-aari ni Garcia ang kabuuang P300 milyong ninakaw nito sa kaban ng AFP kaya pumayag ang korte na ibalik ng dating heneral ang P135 milyon, ngunit naiwan sa kamay nito ang P165 milyon.

“Pinalusot nila si Gen. Garcia at binigyan pa ng P165 milyong pabaon, pero ang ninakaw niya sa kaban ng bayan ay P300 milyon,” ayon kay Guingona.

“Tama ba iyon? P300 milyon ang ninakaw mo, P135 milyon lang ang ibinalik sa pamahalaan,” dagdag pa ni Guingona.

Aniya, ipinalalabas ng Sandiganbayan nang payagan nito si Garcia na pumaloob sa isang plea bargaining agreement na sariling pera ng dating heneral ang kinulimbat sa AFP na tila hindi binigyang pagpapahalaga ng korte.

“Sa tingin ba ng Sandiganbayan si Garcia ang may-ari ng pera ng bayan?” kuwestiyon pa ni Guingona.

Sa ganitong punto, itinuring ni Guingona na wala nang maasahan pang hustisya sa Sandiganbayan na itinayo ng Kongreso upang sakdalan ng mga opisyal at tauhan ng gobyerno na nagnakaw sa kaban ng bayan at habulin ang salaping dinambong.

“Hindi na Sandigan ng bayan ang Sandiganbayan, kundi sandigan na ito ni Garcia,” giit ni Guingona.

Kinuwestiyon din ni Guingona ang panggagalaiti ng mga hukom sa Sandiganbayan sa taumbayan na komokuwestiyon sa naging desisyon nito kay Garcia.

“Bakit sila magagalit sa taumbayan? Bakit nila sasabihin na bobo ang taumbayan. Hindi kay Garcia ang perang ninakaw nya,” nanggagalaiting pahayag ng senador mulang Bukidnon.

Masama ba yun na nakita namin na ninakaw nya ang pera sa AFP, na pinatunayan ng ilang dokumento at testigo, na hindi nila pinahalagahan?” ayon kay Guingona.

Tiniyak din ni Guingona na kapag hindi muling pinahalagahan ng Sandiganbayan ang ihahain na Motion for Reconsideration ng Office of the Solicitor General, isasampa ng administrasyon ang desisyon sa Supreme Court upang kuwestiyon ang hatol.

“Justice has not been served. Hindi pa tapos ang laban. Kumbaga sa laban nina Pacquaio at Mosley, round one pa lang ito. Kung hindi magtatagumpay ang OSG, we will go to the Supreme Court,” patapos ni Guingona.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply