P2.6-B anomalya sa DOH buking sa sertipikasyon

SINOPLA ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III ang pangangatuwiran ni dating Health Secretary Esperanza Cabral na walang anomalya sa P2.6 bilyong inilaan ng Kongreso para sa family health dahil sertipikado ang ipinalabas na pondo.

Sa panayam, sinabi ni Sotto na dapat nang tumigil si Cabral na pangangatwiran na walang anomalya o intact ang pondo sa National Treasury dahil nakakuha ang Senado ng sertipikasyon mula kay Laureano C. Cruz, officer in charge ng Finance Service ng Department of Health (DOH).

“We have a certification from the budget officer of the Department of Health certifying that the funds were distributed to the regional offices,” ayon kay Sotto.

Sa kanyang sertipikasyon, sinabi ni Cruz na alinsunod sa libro ng pondo sa ilalim ng Family Health and Responsible Parenting na nakalista dito ay naipamahagi na sa kinauukulang Centers for Health Development (CHDs) officer mula sa taong 2008 hanggang 2011.

Partikular na binigyan ng kaukulang pondo noong 2008, 2009, 2010 at 2011 na nagkakahalagang P1.054.6 bilyon ang CHD sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Autonomous Region (CAR), Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Socsargen, Caraga Region at ARMM.

Noong 2008, ipinalabas sa naturang lugar ang halagang P170,718,978; P218,006,336 noong 2009; P497,155,975 noong 2010, at P168,749,561 nitong 2011 kaya may kabuuang P1,054.6 bilyon.

Sa kanyang privilege speech nitong Martes, Mayo 10, sinabi ni Sotto na nawawala ang mahigit P2.6 bilyong pondong inilaan ng Kongreso para sa family health kabilang ang family planning kasama ang probisyon bilang suporta sa Maternal, Neonatal and Child Health and Nutrition sa ilalim ng Strategy to Rapidly Reduce Maternal and Neonatal Mortality.

Kasalukuyan pang pinag-uusapan sa committee on rules kung ano ang magiging lead committee sa pag-iimbestiga ng naturang anomalya partikular ang Blue Ribbon committee ni Sen. Teofisto Guingona III, committee on finance ni Sen. Franklin Drilon at committee on health and demography ni Sen. Pia Cayetano.

“Mag-uusap pa kami kung alin ang lead committee. Pero, malamang ang finance dahil sa badyet or blue ribbon dahil naman sa anomalya,” paliwanag ni Sotto.

Sinabi pa ni Sotto na partikular na uungkatin sa imbestigasyon kung saan dinala ng mga regional offices ang pondong ipinalabas ng head office ng DOH alinsunod sa sertipikasyon ni Cruz na nagsasabing natanggap ng mga regional directors ang pondo.

Pinayuhan din ni Sotto ang lahat ng nakaraan at kasalukuyang kalihim ng DOH na huwag basta-basta magsalita sa media na tila ipinalilitaw nilang walang anomalyang nangyari sa naturang pondo bagkus dalhin nila ang kanilang dokumento sa isasagawang imbestigasyon ng Senado.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply