P2.6-B condom scam palolobohin ng RH bill

NANINIWALA si Senate Majority Leader Vicente Sotto III na magkakaroon ng mas malaking halaga ng anomalya sa P2.6 bilyon family health funds scam o “condom scam” sakaling pagtibayin ng Kongreso ang kontrobersiyal na Reproductive Health Bill.

Sa panayam bago simulan ang sesyon nitong Lunes, sinabi pa ni Sotto na sakaling “upuan” ng dalawang komite na mag-iimbestia sa anomalya na pinamumunuan ng kaalyado ng Palasyo na pabor sa RH bill, hihilingin niyang tanggalin ang inquiry sa finance at blue ribbon committee.

Kapwa pinamumunuan ng kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino III ang finance sa katauhan ni Sen. Franklin Drilon at blue ribbon committee ni Sen. Teofisto Guingona III na naunang ipinatawag sa Palasyo para umano’y “pilitin” ang pagsasabatas ng RH bill.

Ayon kay Sotto, tiyak na lolobo ang halaga ng anomalya kung sakaling mapagtibay ng Kongreso ang RH bill dahil ngayon pa lamang, umaabot na sa P2.6 bilyon ang pondong hindi makita ng pamahalaan kung saan napunta matapos maipalabas ng naturang halaga.

“Malamang lomobo pa iyan kapag naisabatas ang RH bill,” giit ni Sotto.

Sinabi ni Sotto na dapat magpaliwanag ang mga regional director ng Department of Health kung saan napunta ang P2.6 bilyong pondo sa family health and planning program ng pamahalaan sa kabila nang pag-aamin ng DOH na ipinalabas ang pondo.

“Inamin ng DOH na dinownload nila ang pondo. Samakatuwid, napunta ito sa mga regional offices na siyang dapat magpaliwanag kung bakit hindi napunta sa mga local government units,” ayon kay Sotto.

Katunayan, ayon kay Sotto, dumalaw sa kanyang tanggapan ang gobernador ng Compostella  Valley  na si Gov. Uy na lubhang nagtaka kung bakit hindi nakatanggap ang kanilang lalawigan ng pondo mula sa Family Health and Planning Program simula noog 2008 hanggang 2010.

Kasabay nito, nagbanta si Sotto na maghahain siya ng mosyon sa plenaryo na imbestigahan ng Senate committee of the whole ang P2.6 bilyong condom scam sakaling upuan nina Drilon at Guingona ang kahilingan niyang kalkalin ang naturang pondo.

Tiniyak naman ni Guingona na hindi nito hahaluan ng pulitika ang imbestigasyon sa P2.6 bilyong condom scam dahil hindi naman usapin dito ang direktang pagsasabatas ng RH bill, kundi ang isyu ng korapsiyon.

Nauna nang ibinulgar ni Sotto sa kanyang privilege nitong nakaraang Linggo na nawawala ang mahigit P2.6 bilyong halaga na inilaan ng Kongreso para sa family health and planning program na ipinalabas ng DOH ngunit hindi natanggap ng kinauukulang local government units (LGUs) alinsunod sa sertipikasyon na nakalap nito sa iba’t ibang lalawigan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply