P22 dagdag-sahod minaliit ng Obispo

BINATIKOS ng isang Obispo ng Simbahang Katoliko ang aniya’y napakaliit na P22 Cost of Living Allowance (Cola) na ipinagkaloob ng wage board sa National Capital Region (NCR sa mga manggagawa.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), hindi ito sapat upang makatulong sa mga manggagawa na makaagapay sa patuloy sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.

Hindi rin nagustuhan ni Pabillo ang mabilis na pagdedesisyon ng pamahalaan ukol sa pagtataas ng pamasahe at presyo ng gasoline, datapuwa’t hirap na hirap umano itong magdesisyon pagdating sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa.

“Napakaliit niyan na P22 pesos kasi tumaas na ang lahat ng presyo ng bilihin. Parang pinagtatawanan at pinaglalaruan nila ang mga tao,” dismayadong pahayag ni Pabillo sa isang panayam sa church-run Radio Veritas.

“Bakit mas madali silang magbigay ng pagtaas sa mga pamasahe at sa gasoline, tapos sa pagtaas sa sahod ng mga manggagawa ay talagang naiipit,” aniya pa.

Iginiit pa ni Pabillo na hindi lamang ang sweldo kundi maging ang isyu ng kontraktuwalisasyon ay hindi dapat na kalimutan.

Matatandaang humihingi ng P75 na wage hike ang mga manggagawa upang makaagapay sila sa patuloy na pagtaas ng mga pangunahing presyo ng bilihin sa bansa dulot ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa halip namang wage increase, binigyan lamang ng wage board ng P22 karagdagang Cola ang mga manggagawa.

Ikinagalit ito ng mga grupo ng manggagawa dahildahil malaki umanong  insulto ito sa kanila.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply