P22 ECOLA ‘di sapat; P125 dagdag-sahod iginiit

WALA umanong kwenta at hindi sapat ang P22 increase sa Emergency Cost of Living Allowance (ECOLA) ng mga manggagawa, ito ang pahayag kahapon ng isang militanteng mambabatas.

Ayon kay Gabriela Women’s Party Representative Luz Ilagan, sampal sa mga mangagawa sa P22 na ECOLA dahil ginagawa umanong busabos ang mga ito.

Aniya, ito umano ang pinakamalaking katibayang inutil ang wage board at patunay ring basura ang trato ng administrasyong Arroyo sa mga karaniwang mamamayan.

Matatandaang sinabi ng NCR wage board na may P22 increase sa ECOLA.

Gayunman, wala umanong kwenta ang P22 ECOLA kumpara sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ng langis.

Umaabot na umano ang inflation sa 4.3% at inaasahang tataas pa ito sa susunod na buwan.

Aniya, kahit anong kwenta ang gawin niya ay walang marararating ang P22.

Idinagdag pa nito, hindi mabigyan ng wage board ang mga manggagawa ng minimum pay na malapit-lapit sa Family Living Wage (FLW) na ayon sa National Wages and Productivity Commission ay P957 na.

Lalo umanong napakalayo nito sa P988 Cost of Living para sa pamilyang may anim na anak.

Ayon pa sa lady solon, ang dagdag sa ECOLA ay hindi man lamang maisasama sa computations ng mga benepisyo ng mga manggagawa tulad ng P13th month pay, separation pay at overtime pay.

Hindi lamang umano nakaiinsulto ang P22 ECOLA kundi nakaloloko rin.

Dahil dito, mas lalo umano silang ginaganahang isulong ang HB 375 na sapilitang magbibigay sa mga manggagawa ng P125 across the board increase sa minimum wage.

Kung hindi umano maaasahan ang wage board ng mga manggagawa, batas mismo ang magbibigay nito sa kanila.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply