P3-B Malampaya fund pinakalkal sa Senado

HINILING sa Senate Blue Ribbon Committee ng pamilya ng pinaslang na brodkaster na si Dr. Gerry Ortega na imbestigahan kung paano nilustay ang mahigit P3-bilyon pondong nakuha ng lalawigan ng Palawan mula sa Malampaya.

Sa kanyang liham, mahigpit na hiniling ni Patty Ortega, kabiyak ng biktima, kina Senate President Juan Ponce Enrile at Sen. Teofisto Guingona III na magsagawa ng malalim na imbestigasyon ukol sa P3-bilyon pondo na umano’y naglahong parang bula.

Naniniwala si Patty na hindi lamang ang pagiging environmentalist ang sanhi ng pagkakapaslang sa kanyang asawa kundi maging ang mahigpit na pagbatikos nito sa walang patumanggang paglulustay ng mga opisyal ng lalawigan sa pondong nakukuha sa Malampaya.

“Marami pong lumabas na dahilan kung bakit ipinapatay si Gerry, kabilang na ang kanyang pagiging environmentalist. Pero, para hong sinasadyang hindi lumutang ang isang aspeto ng pagkatao ni Gerry, ang kanyang walang humpay na pagbatikos sa malalang korapsyon sa Palawan at ang walang takot na pagbanggit sa mga naglulustay sa pera ng lalawigan, tulad ni Joel Reyes,” ayon sa liham

“Si Gerry lamang po ang bukod-tangi at masasabi kong nag-iisang broadcaster sa Palawan na hindi tinitignan ang pag-usisa sa pagkawala ng pondo ng probinsiya, kabilang na ang mahigit P3-bilyon na galing sa pondo ng Malampaya,” dagdag ni Patty.

Sinabi pa ni Patty na hawak ni Dr. Ortega ang ilang dokumento, kabilang ang Commission on Audti report noong 2003, na naglalaman ng maling paggamit ng nabanggit na pondo, na ibinayad ng pambansang pamahalaan bilang kita ng lalawigan mula sa pagmimina ng langis sa Malampaya.

“Katunayan ay may audit report ng 2003 na walang nakaalam sa Palawan hanggang sa may magpadala nang palihim ng kopya kay Gerry. At mahigit na pong isang taon na inaabangan namin ang special audit na ginawa ng COA sa paggamit ng Malampaya funds,” giit ni Patty.

Bago paslangin si Dr. Ortega, apat na buwan na ang nakalilipas habang namimili sa isang ukay-ukay store sa Puerto Princesa, nag-ingay ang brodkaster hinggil sa maling paggamit ng Malampaya funds upang makakuha ng suporta mula sa mamamayan at papanagutin ang ilang opisyal ng Palawan na responsible sa paglulustay ng pondo.

“Layunin ni Gerry na ma-account muna ang paggamit ng mahigit P3-bilyongn pondo at magkaroon ng mas mahigpit na paggamit dito,” ayon kay Patty.

Kasama ni Patty ang anak nitong sina Mika at Joaquin na naunang nagtungo sa Department of Justice sa Padre Faura Maynila sa pamamagitan ng pagbibisikleta at paglalakad mula sa Luneta saka tumuloy sa Senado.

“The preliminary investigation is over. We are now awaiting the decision of the DOJ. We trust and pray that the DOJ officials will objectively look at the evidence at hand. We pray harder that they will not be intimidated nor influenced in any way by the influential and moneyed accused mastermind,” patapos ni Patty.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply