Pagasa binagyo ng batikos

MISTULANG binagyo muli ng batikos ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) matapos pumalpak sa prediksiyon nito sa bagyong “Chedeng” (Songda) na lumihis sa bansa at tumungo ng Japan.

Sinabi ni Sen. Gregorio Honasan na kahit naging masuwerte ang bansa na hindi hinambalos at pinalubog  ng bagyong “Chedeng”, muling napatunayan na hindi pa talaga maaasahan ng publiko ang forecasting ng Pagasa matapos sumablay sa pagtataya ng panahon.

Sa pagtaya ng Pagasa noong Miyerkules, tatama sa kalupaan ang bagyong mala-Ondoy nitong Huwebes o Biyernes na makikita daw ang mata ng bagyo sa Baler, Aurora.

Subalit nitong Huwebes, nagbago ang forecast ng Pagasa nang kanilang inanunsyo na bagamat lumalakas ang bagyong Chedeng, hindi na ito tatama sa kalupaan ng Aparri, Cagayan dahil patungo sa hilagang-kanluran ang direksyon nito at tutumbukin ang Japan.

Iginiit ni Honasan na kung nakinig sana ang Pagasa sa report ng CNN at US Navy ay hindi sana sila sumablay sa kanilang report.

“Actually hindi na dapat palakihin pa ang isyu, ang importante nakapaghanda, ang importante naiiiwas yung ari-arian at buhay ng tao sa posibleng epekto ng bagyo kung tumama sa atin, walang nasayang. Kaya lang parang nagsa-suffer na naman yung kredibilidad ng Pagasa, parang nauna yung yabang,” patutsada pa ng senador.

“Ang dali-daling sabihin na, ‘O, nagsalita na yung US Navy, nagsalita na yung CNN, nagsalita na yung ibang meteorological agencies, tayo naman alam nating limitado ang kakayahan natin’. Dapat doon na lang dapat ang pronouncement,” dagdag ng senador.

Binigyang-diin pa ni Honasan, dating chairman ng Senate committee on national defense and security, dapat ay nakikinig din ang Pagasa sa prediksyon ng ibang international agency tulad ng US Navy na lubos na mapagkakatiwalaan ang prediksyon sa takbo ng bagyo.

“Yang US Navy, definitely mas matindi yan dahil pag nagkamali sila wasak lahat ng barko nila. So dapat makinig tayo doon sa mas hi-tech,” dagdag pa ni Honasan.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply