Pagbasura sa hero’s burial ni Marcos inihain

INIHAIN na ng pitong progresibong kongresista ang pangontrang resolusyon sa pagpayag na mailibing sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ang House Resolution 12978 ay inihain ng MAKABAYAN bloc sa Kamara na tuwirang kumukontra sa hero’s burial sa dating Pangulo.

Kabilang sa mga naghain ng resolusyon sina Reps.  Teddy Casiño at Neri Colemaners ng Bayanmuna; Luz Ilagan at Emmy de Jesus ng Gabriela; Rafael Mariano ng Anakpawis; Antonio Tinio ng ACT partylist; at Raymond Palatino ng Kabataan Partylist.

Binigyang diin ng nasabing mga mambabatas ang kanilang pagtutol na maihimlay sa Libingan ng mga Bayani si Marcos dahil sa pagkakasangkot nito sa diumano’y talamak na katiwalian, human rights violations, baluktot na economic policies at puppetry o pagkontrol sa gobyerno at publiko na pinagdusahan ng bansa sa loob ng 25 taon.

Anila, sa sandaling payagan ng administrasyong Aquino ang hero’s burial ni Marcos ay hindi lamang mababalewala ang ginawang paglaban at paghihirap ng mga magulang nito na sina dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino  kundi magiging dagok umano ito para sa milyun-milyong Pilipino na nasadlak sa dusa noong panahon ng martial law.

Nagtitiwala ang MAKABAYAN bloc na matutuldukan na rin ang isyu kung maibabasura ang resolusyong inihain ni  Sorsogon Rep. Salvador Escudero III na nilagdaan na ng mahigit 100 mambabatas na nagsusulong na mabigyan ng hero’s burial si Marcos na hanggang ngayon ay nakahimlay pa rin sa Ilocos Norte. Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply