Pagbati sa mga anghel

HINDI naman lalampas sa 666 ang kabuuang bilang ng mararating ng isinalampak na kalatas sa Facebook,  kaya ulitin na lang dito… “offers salutations to Harbonah, Hazmed… Uriel, Azriel, Simkiel, Za’afiel, Af, Kolazonta, Hemah… and Kemuel… angels of annihilation and destruction… may they  extirpate the entire MMDA set of officials within 23 days…”

Idinagdag sa kalatas ang ganito… “The P500 fine or eight-hours community service for getting caught smoking a cigarette in any street or thoroughfare is meant to fatten the pockets of MMDA factotums…. uh, the blast of lethal gases off exhaust pipes is a lot obnoxious…. so, smokers out there, please pray with me.”

Talagang astig ang ipapatupad na alituntunin ng mga kampon sa lansangan ng Metro Manila Development Authority. Astig talaga. Astigmatic.

Itinutok ang tingin sa hitit-buga ng sigarilyo… hindi sinipat ang perhuwisyo sa buga-dahak-suka saanmang kalsada ng mga tambutso ng sangkatutak na sasakyan.

Nang magbuhos yata ng kagunggungan sa santinakpan… aba’y hindi sumilong, talagang naglublob doon ang mga hinayupak na ‘yan. Sabagay, may mga palatandaang nahalungkat sa pagbabasa kanginang umaga ng Bhagavad-Gita… hindi naman pala lahat ng tao ay tao talaga… merong anyo lang ang tao… pero ang lirip at isip, sa kulisap lang…

Nitong Linggo’y nakatanggap nga ng text message hinggil sa binubuong balita ng isang correspondent sa dakong timog ng kapuluan… kabise kasi ang papel ko sa pagkalap ng balita sa mga rehiyon ng bansa  para sa isang broadsheet… Ang ihahatid na ulat ay tungkol daw sa ipapatupad na programa ng isang lalawigan do’n, parang halaw sa ginagawa sa Great Barrier Reef sa Australia—kinakalap ang mga tinatawag na crown-of-thorns starfish na pumipinsala sa bahura o coral reef…

Sa bawat 10 pumasok na text message sa lintek na cellphone, lumalabas na laging dalawa lang ang mapipilitan akong tugunan… at kabilang ang news advisory sa hindi na pinansin, hindi tinugon…

Natunghayan kasi ang ulat na dalawang ulit na mas malaki sa sukat ng Manila ang tinungkab ng mga gunggong na nagbebenta ng bahura… at patuloy pa rin ang kanilang pamiminsala sa kalawakan ng bahura sa naturang lupalop… aba’y talagang sinalanta na ang pangitlugan at nursery ng mga isda… walang patumanggang salanta na tiyak na sasalanta rin sa fishery catch sa laot…

Gaanong lawak lang ang kayang wasakin ng kahit ilang kawan pang crown-of-thorns starfish? Gaano nang lawak ng bahura ang winasak ng mga ganid sa kuwarta sa naturang lupalop?

Hindi na po umaasa ang tulad ko sa sinumang kumag o kupal na nakaluklok sa gobyerno… baka naman kasi makukuha na lang sa taimtim na panalangin… kaya nga ipinapaalam ko sa inyo ang mga anghel ng pagpuksa at lubusang paglipol… nakikinig po sila sa taimtim na panalangin… Harbonah, Hazmed…

Uriel, Azriel, Simkiel, Za’afiel, Af, Kolazonta, Hemah… at Kemuel.

Lubusan po akong nananalig sa inyong isasagawa upang mabawas-bawasan ang mga gunggong at ganid sa lupa…

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply