Pagbili ng PLDT sa Sun kakalkalin ng Senado

PINAIIMBESTIGAHAN ni Sen. Joker Arroyo sa Senado ang pagbili ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) sa Sun Cellular, pag-aari ng Digitel Mobile Phils. Inc., upang matiyak na hindi lumabag sa prangkisa ang nasabing transaksyon.

Base sa Senate Resolution No. 477, sinabi ni Arroyo na kailangang imbestigahan ng Senate committee on public services ang pagbebenta ng Sun Cellular sa PLDT upang matukoy kung hindi nilalabag nito ang legislative franchise na ibinigay sa PLDT at Digitel.

“Kailangan matukoy natin kung lumabag ang bentahan sa legislative franchise na ibinigay ng Kongreso sa PLDT at Digitel,” ayon kay Arroyo.

Nitong Marso, nagkasundo ang PLDT at Digitel sa “share-swap deal” na binili ni Manny Pangilinan, chairman at chief executive officer ng PLDT ang 51.55 porsyentong sapi ng Sun Cellular sa halagang P74 bilyon.

Resulta nito, ayon kay Arroyo, makokontrol ng PLDT ang mahigit 70 porsyento ng kabuuang bilang ng cellular subscriber sa buong bansa dahil pag-aari ngayon ng kompanya ang Smart, Talk N’ Text ng Piltel at Red Mobile ng Cure, at ngayon ang Sun Cellular ng Digitel.

Tanging 30 porsyento na lamang ng kabuuang bilang ng cellular subscriber ang matitira sa Globe Telecoms.

“Such agreement would result in a duopoly with PLDT’s Smart, Talk N’ text (Piltel), Red Mobile (CURE) and Sun Cellular (Digitel) on the other hand, and Globe Telecom on the other and, thereby, raises the question of whether it is for the public good,” ayon kay Arroyo.

Nakasaad sa Section 16 ng RA 9180 na hindi maaaring ilipat, ibenta o ipamahagi ang anumang bahagi ng prangkisa kabilang ang karapatan at pribelihiyo na ibinigay ng Lehislatura sa naturang kompanya.

“Hindi puwede ang bentahan nang walang paunang approval ang Kongreso,” katuwiran ni Arroyo.

Nakatakdang ipatawag din ng Senado ang National Telecommunications Commission (NTC) upang matukoy kung may nilabag ang ahensiya sa karta nito na pahahalagahan ang kagalingan ng publiko alinsunod sa itinakda ng Public Telecommunications Policy Act.

Wala pang itinakdang araw ng pagdinig, ngunit nakasalang na ang resolusyon sa Committee on Rules na pinamumunuan ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III, na siyang maghahain ng panukala sa plenaryo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply