Paginggg…S/Supt. Rosauro Acio

MATAPOS nating talakayin ang ‘mini-casino’ ng Batangas Sports Complex, nakatanggap uli ang Chokepoint ng iba pang sumbong.

Ito ay ang tungkol naman sa ‘mini-casino’ sa tabi ng SM Batangas city at isa pa sa Barangay Ayala sa bayan ng San Pascual.

Kilala sa lokal na tawag na pergalan, tinawag nating ‘mini-casino’ ang mga ito dahil sa dami ng uri ng sugal na nilalaro.

Katulad ng sakla, beto-beto, kara ball, skylab at kung ano-ano pang klase ng sugal na mapagpipilian ng mga vice player.

Sa umiiral na batas, bawal ang mga larong ito, pero ang nakapagtataka, nakalulusot sa mga alkalde at police chief.

Ipinagbabawal ang mga ito dahil sa dulot na ‘kasamahan’ sa mga manlalaro, lalo na sa mga menor de edad na pinapayagang manaya.

Sa mga pergalan sa sports complex, SM Batangas City at sa Brgy. Ayala, San Pascual karamihan sa naglalaro ay bata.

Pero, tila ‘di nakikita nina Batangas City Mayor Vilma Dimacuha at San Pascual Mayor Antonio Dimayuga ang negatibong dulot ng mga pergalan na ito sa kanilang mga constituent.
Sa panig ng pulisya ng Batangas City, tayo’y nag-tataka sa pananahimik ni City police chief Supt. George Dadulo.

Ganundin ang hepe ng pulisya ng San Pascual, maging ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group sa Batangas.

Eh, baka kako namantikaan na ang mga nguso ng mga hepe ng kapulisan sa mga lugar na ito ng Batangas kaya ‘di kumikilos.

Sa bayan ng Ibaan, pilit na binabaluktot naman ng isang nagngangalang ‘Gerry Acedo’ ang itinatadhana ng Small Town Lottery. Dahil, itong si ‘Acedo’ pala ang nasa likod ng bookies ng STL-con-tengwe sa makasaysayang bayan.

Ang hepe ng pulisya ng Ibaan – si S/Insp. Jonathan Joey Bogayao, ala eeee bulag, pipi at  bingi sa mga nangyayari sa kanyang hurisdiksiyon.

Bakit kanyo? Eh, mismong sa police station, nagkalat daw ang kubrador ni ‘Acedo’ na nangongolekta ng taya para sa kanyang bookies.

Ito ang masasabi natin… dumami ang sugalan dito  mula nang maupong provincial director si S/Supt. Rosauro Acio.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply