Paglusaw sa private armies, hamon kay PNoy

HINAMON ng human rights advocates si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na tanggalin ang mga private army ng mga pulitiko lalo na sa kapuluan ng Mindanao.

Ayon kay Amnesty International (AI) Philippines director Corazon Parong, bigo pa rin ang gobyerno na buwagin ang mga private army na kadalasan ay binubuo ng mga civilian volunteer officers at mga miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Units (CAFGUs).

“Yan (pag-alis sa mga private army) ang malaking hamon para sa Aquino government,” pahayag ni Parong na sinabi pang mga pulitiko lamang ang nakikinabang sa private armies.

Marami umanong nagagawang paglabag sa karapatang-pantao ang mga private army at nakaambag din sila sa mga kaso ng sapilitang pagdukot at extra-judicial execution mula 2001 hanggang 2010.

Batay pa sa ulat ng AI Philippines, umaabot na sa 200 kaso ng sapilitang pagdukot ang naitala sa nabanggit na mga taon habang 305 naman ang kaso ng extra-judicial execution.

“Nagpapatuloy pa rin sa kanilang mga aktibidad ang mga armadong pribadong grupo, sa kabila ng pangako ng pamahalaan na sila’y bubuwagin at didis-armahan,” ayon pa sa ulat.

Sinabi pa ni Parong na kung gustong bigyan ng kasalukuyang administrasyon ng security ang kanyang mamamayan, dapat ay hindi lamang mga pulitiko ang nabibigyan nito.

“Tayo ang nagbabayad ng private interest. It is the Filipino people paying for these private armies na nagagamit lamang sa pribadong interes ng mga pulitiko,” dagdag pa ni Parong.

Base rin sa ulat ng naturang grupo, dumami ang bilang ng mga kaso ng political killing noong panahon ng eleksyon kapwa noong Mayo at Oktubre 2010.  Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply