Paje, Alcala iniligtas ni PNoy sa rigodon

ITINANGGI ni Pangulong Benigno Aquino III na magpapatupad siya ng rigodon sa kanyang gabinete na epektibong tumutulong sa kanya sa pagpapalakad sa gobyerno, partikular na ang kanyang economic team at mga kalihim sa DA at DENR.

Sa ambush interview sa Palasyo, binigyan-diin ni Pangulong Aquino na mananatili sa kanyang opisyal na pamilya ang mga epektibo at nagta-trabaho na mga kalihim kaya maaaari aniyang makatulog ng mahimbing ang mga naturang miyembro ng gabinete.

Aniya, ang kanyang cabinet economic cluster na binubuo nina Finance Secretary Cesar Purisima, DBM Sec. Florencio Abad, DTI Sec. Gregory Domingo at NEDA Chief Cayetano Paderanga ang nakatuwang niya upang lumago sa 7.6 porsyento ang ekonomiya ng Pilipinas.

Habang si Agriculture Secretary Proceso Alcala naman ay nagtala ng 14 porsyentong pagtaas sa ani ng palay noong panahon ng tag-tuyot.

Habang ang napapabalitang papalitan sa puwesto na si DENR Secretary Ramon Paje ay matagumpay na naipababa sa 120 ang antas ng pollution index sa bansa mula sa antas na 166 sa panahon ng administrasyong Arroyo.

“Yung economy last year grew by 7.6 percent. Dapat bang ireshuffle natin ang economic team? Record iyon. Si Mon Paje… nakatulong sa pagbababa ng ating pollution index, mula 166 na minana ko pag-assume, to 120. Dapat ba siyang di maconfirm o ma-appoint?” depensa pa ng Pangulo sa kanyang gabinete.

Subalit, aminado naman si Pangulong Aquino na mayroong mga miyembro ng gabinete na hindi siya satisfied o natutuwa sa performance.

Aniya, patuloy niyang pinag-aaralan at ina-assess ang mga naturang gabinete kung mananatili pa sa kanilang puwesto o kailangang mailipat sa ibang ahensya ng pamahalaan na posibleng higit silang makatulong sa gobyerno.

Bagama’t tumanggi na pangalanan ang mga low performer sa kanyang opisyal na pamilya, naniniwala naman si PNoy na maiintindihan siya ng mga ito sakaling balasahin niya.

Binigyan-diin naman ng pangulo na sa kabuuan ay masaya siya sa kanyang kasalukuyang gabinete.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply