Isyu vs DoH ‘di pakikialaman ng Palasyo

IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa Department of Health (DoH) ang pagresbak sa isiniwalat ni Senate majority leader Tito Sotto kaugnay sa korapsyon sa mahigit P2.6 billion na pondo para sa Family Health Program ng departamento.

Sinabi ni Deputy Presidential spokesperson Atty. Abigail Valte na bahala na si Health Secretary Enrique Ona na magbigay ng kanyang panig sa isyung ito.

Nauna rito, walang balak ang Malakanyang na pigilan si Ona na magsalita sa Senado sakali at ituloy ni Sotto ang kanyang sinabi na handa niyang imbestigahan ang bagay na ito.

“Matagal na naman nating policy ‘yan na kung nagkaroon po ng imbestigasyon ang Kongreso or ang Senado at pinapatawag po ‘yung mga kasama  sa Gabinete ni Pangulo, pumupunta naman tayo at nakikipag-coordinate naman tayo sa mga imbestigasyon na ganyan. I don’t see why this should be any different,” ayon kay Usec. Valte.

Sa ulat, niresbakan ni dating Health Secretary Esperanza Cabral si Sotto at sinabing may ibang agenda, kaugnay sa privilege speech ng mambabatas hinggil sa sinasabing anomalya sa pondo ng kagawaran.

Pinalagan ni Cabral ang paratang ng senador na nagkaroon ng korapsyon sa mahigit P2.6 billion na pondo para sa Family Health Program ng DoH.

Hinamon pa ng dating kalihim ang mambabatas na suriin ang report ng Commission on Audit (CoA) hinggil sa disbursement ng pondo.

“Hindi naman basta-basta inilalabas ng DoH ang pondo. May proseso iyan. May report diyan ang Commission on Audit,” ang pahayag ni Cabral.

Sa naging alegasyon ng senador, malaking bahagi umano ng ipinalabas na pondo ng DoH para sa Maternal, Neonatal and Child Health and Nutrition (MNCHN) program nito ay hindi ma-account kung saan napunta.

Pero ayon kay Cabral, unfair ang paratang ni Sotto para sa mga tauhan ng DoH dahil malinaw umano na ang totoong motibo ng senador ay kontrahin ang kontrobersiyal na Reproductive Health bill.

“Para sa akin, hindi naman makatarungan na basta na lang niya akusahan ng korapsyon ang mga tauhan ng DoH ng wala siyang pruweba at mayroon siyang hidden agenda,” ayon pa kay Cabral.

Ang pagbubunyag nito ay base sa ibinigay sa kanya na mga dokumento mula mismo sa loob ng DoH.

Mayroon din aniyang iskedyul para magpatawag ng public hearing ang Senado at iimbitahan ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng DoH upang malinawan ang naturang usapin.

Muli ring inulit ni Sotto na hindi na kailangan pang magpasa ng RH bill dahil lahat naman ng panukala na nakapaloob dito ay kasalukuyan na ring ginagawa ng DoH. Kris Jose

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply