Palparan kinasuhan sa DOJ

KINASUHAN sa Department of Justice (DOJ) si retired Maj. Gen. Jovito Palparan Jr.  kaugnay sa umano’y pagdukot at pagkawala ng dalawang estudyante ng University of the Philippines (UP) noong 2006.

Personal na dumulog sa DOJ sina Erlinda Cadapan at Concepcion Empeño, mga ina ng mga biktimang sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, upang isampa ang mga kasong rape, serious physical injuries, arbitrary detention, maltreatment of prisoners, grave threats, grave coercion at paglabag sa Republic Act 7438 o ang batas na nagtatakda ng karapatan sa detinadong tao.

Kaagapay ng dalawang ginang sa pagdulog sa DOJ ang mga abogado mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), na pinamumunuan ng secretary-general nito na si Atty. Edre Olalia.

Bukod kay Palparan, dating kinatawan ng party-list group na Bantay, kinasuhan din sina Lt. Cols. Rogelio Boac at Felipe Anotado, 2nd Lts. Francis Mirabelle Samson, Arnel Enriquez, Master Sergeants Donald Caigas, Rizal Hilario at iba pa.

Batay sa 13-pahinang joint complaint ng mga petitioner, dinukot noong Hunyo 26, 2006 sina Karen, Sherlyn at Manuel Merino sa isang bahay ng magsasaka sa Hagonoy, Bulacan, matapos silang mpaghinalaang mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA).

Hindi pa rin nakikita ang tatlong nawawala.

Kasama sa reklamo ang walong affidavit na magpapatunay umano na ang mga nabanggit na biktima ay hawak ng militar na pinamunuan ni Palparan.

Noon ay pinaboran ng Korte Suprema ang writs of habeas corpus and amparo ng dalawang ginang, subalit walang ipinatupad na anumang aksyon.

Matatandaang noong Setyembre 2008, inatasan ng Court of Appeals ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na palayain ang dalawang estudyante, ngunit mariing itinanggi ng militar na hawak nila ang mga ito.

Ito na ang kauna-unahang kasong isinampa laban kay Palparan sa ilalim ng administrasyong Aquino.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply