Pananakot ni PNoy sa anti-RH bill, kinastigo

“WALANG TAKUTAN!”

Ganito ang matinding pagkastigo ni Sen. Gregorio “Gringo” Honasan kay Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III matapos magbanta ang huli na kasuhan ng sedition ang mga hindi magbabayad ng buwis sakaling aprubahan at maging batas ang Reproductive Health (RH) bill.

Ayon kay Honasan, hindi makabubuti ang ginawang pananakot ng Pangulo dahil lalo lamang mag-iinit ang mga grupong kontra sa RH bill.

“Dapat dahan-dahan tayo diyan dahil napakatingkad ng posisyon ng Pangulo na pro-RH. Kung haharasin natin yung anti-RH eh may kulay pulitika na naman yan.” giit ng senador.

Nauna rito, nagbanta si Pangulong Aquino na sedisyon ang maaaring kaharapin ng mga taong kontra sa RH bill, oras na hindi sila magbayad ng buwis kapag naging batas ang nasabing panukala.

Nagbanta na ang Citizens Alliance for the Protection of Human Life (Caph-Life) na hindi sila magbabayad ng buwis sakaling maisabatas ang RH bill. Ito rin ang dating ginawang hakbang na minsan ibinabala ng ilang Katolikong obispo sa bansa.

Umapela naman si Honasan sa mga anti-RH group, gayundin sa Simbahang Katoliko, na huwag na rin takutin ang mga nagsusulong ng RH bill, kabilang na si Pangulong Aquino na minsan nang pinagbantaan na itatakwil ng Simbahan.

Aniya, imbis na magtakutan ang magkabilang panig, mas makabubuting makipagdayalogo na lamang sila upang sa gayon ay maiwasan ang pagkakahati ng sambayanang Filipino.

“Pag ‘di tayo nag-dialogue, (mahahati) ang ating bansa,” babala ng senador.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply