Panawagan kay Vice Mayor Duterte

KILALA ang Davao city bilang isa sa pinakamaganda at pinakamasiglang lugar sa buong bansa.

Kaya naman hindi kataka-taka na maraming mga turistang lokal at dayuhan ang nagnanais na makarating at mapasyalan ang nasabing lungsod.

Pero nababatikan ang kagandahan ng nasabing lungsod ng hindi magandang pag-uugali ng ilang mga mamamayan doon na tila yata hindi marunong ng kahulugan ng salitang respeto lalo’t higit para sa mga dayuhan sa lugar nila.

Nagkuwento kasi sa akin ang isang court stenographer na kamakailan lang ay dumayo sa Davao city para dumalo sa national convention ng Court Stenographic Reporters Association of the Philippines (COSTRAPHIL)l

Dahilan nga sa national convention ang dinaluhan niya ay libo-libung mga court reporters na nagmula pa sa ibat-ibang panig ng bansa ang dumagsa sa naturang lungsod.

At ng matapos na ang lahat ng opisyal na gawain ng mga participants sa kanilang convention ay ipinasya nang marami sa kanila na mamasyal sa ibat-ibang ipinagmamalaking lugar doon.

Siyempre ay kanya-kanya na silang pasyal at ang ilan sa mga pinuntahan nila ay ang Mount Apo, Philippine Eagle Nature Center at Eden Mountain Resort.

Iyong iba naman sa kanila ay nagpunta sa Malagos Garden Resort, Pearl Farm Beach Resort , Davao Museum,  Gap Farming Orchard Resort,  Talomo Beach at Crocodile Park.

Sa dami nang mga lugar na pinuntahan nila ay nag-enjoy naman sila pero nabahiran ang kanilang kasiyahan ng isang pangyayari na kung saan ay nakaranas umano ang ating complainant ng pambabastos.

Ayon sa ating complainant ang insidente ay naganap sa crocodile park. Aniya dumating sila sa sa nasabing parke pasado alas singko na nang hapon.

Pagsapit nila doon ay nagpunta sila sa ticket booth para magbayad pero ang nadatnan nila doon ay isang lalaki na abalang-abala na sa pagbibilang ng perang kinita mula sa mga bumisitang turista.

Idinagdag ng complainant buong kayabangan at sa mataas na boses ay sinabihan sila ng lalaking nasa ticket booth na hindi sila maaring pumasok dahil closing time na.

Pero maliwanag naman sa announcement board na nagsasara ang park ng alas sais ng gabi pa at ng tangkaing banggitin ito ng complainant ay buong pagmamalaki nitong sinabi na hindi na sila magpapasok kahit pa marami pang tao sa loob ng park.

Tinangka ng complainant na sabihin na dayuhan sila sa lugar at kahit sandali ay payagan sila pumasok subalit hindi sila pinansin ng mayabang na lalaki sa ticket booth at sa halip ay nagtaas pa ito ng boses.

Tsk!tsk! grabe din naman ang yabang ng taong ito. Wala man lang konsiderasyon sa kapwa.

Kaya nga tinatawagan natin ang mga namumuno sa Davao city lalong-lalo na si dating mayor at ngayon ay vice-mayor Rodrigo Duterte.

Sir, baka naman puwedeng pakibalasa ang ilang mga tauhan ninyo diyan sa city tourism office  lalo na iyong lalaki na iyon sa ticket booth ng Crocodile Park.

Hindi magandang halimbawa ang ipinakikita niya sa mga turistang dumadayo pa mula sa malalayong lugar tapos iyon pala ay babastusin lang sila sa lugar ninyo.

Aasahan po namin ang aksyon ninyo Vice Mayor Duterte!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply