Panukalang ID system ni Ping OK sa 3 senador

HINDI lamang mula sa Philippine National Police (PNP) nakakuha ng suporta si Sen. Panfilo Lacson hinggil sa panukalang national identification system kundi maging sa tatlong senador, kabilang ang isang kaalyado ng Palasyo.

Nitong Martes, May 17, 2011, kinagat kaagad nina Senate Majority Leader Vicente Sotto III, Sen. Francis Pangilinan at Sen. Antonio Trillanes IV ang Senate Bill No. 2774 ni Lacson.

Ngunit, inihirit ni Pangilinan, dating chairman ng Senate committee on justice and human rights, na hindi dapat mandatory ang national ID kundi boluntaryo lamang upang maiwasan ang panibagong gastusin.

“Kung voluntary at ang layunin ay mapabilis ang serbisyo ng gobyerno sa mamamayan okey tayo,” paliwanag ni Pangilinan.

Layunin ni Lacson na pabilisin ang paghahatid ng pangunahing serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan sa pamamagitan ng paglikha ng nag-iisang ID ng pagkakakilanlan ng bawat indibiduwal at burahin ang pag-iisyu ng sangkaterbang ID sa bawat sangay o ahensiya ng pamahalaan.

Umaasa si Lacson na makakatulong din ito sa paglaban ng gobyerno sa kriminalidad, gayundin sa hindi nagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno.

Ilang beses nang isinampa ni Lacson ang nasabing panukala, pero palagi itong bigo na maipasa ito bunga ng kawalan ng suporta ng nagdaang administrasyon.

Isa sa mga nirereklamo sa national ID system ay malalabag daw ang privacy ng mga mamamayan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply