Parusa sa kakutsaba ng preso pabibigatin

INIHAIN sa Senado ang isang panukalang batas na naglalayong pabigatin ang parusang ipapataw sa mga opisyal ng pamahalaan na makikipagsabwatan sa paglabas-masok ng preso, tulad ng ginawa ni dating Batangas Gov. Antonio Leviste.

Sinabi ni Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr. na layunin ng Senate Bill 2542 na amyendahan ang Article 223 ng Revised Penal Code na dating nagpapataw ng prision correctional sa tauhan ng gobyerno na nakipagsabwatan sa preso na makalabas ng kulungan nang walang kaukulang court order.

Aniya, isang matinding sampal sa pamahalaan ang nabunyag na pagkahuli kay Leviste sa harapan ng kanyang gusali sa Makati City gayung dapat ay nakakulong ito.

Sinabi ni Revilla na lumilitaw na may ilang penal officer na hindi epektibong ginagampanan ang kanilang tungkulin.

“Dahil sa naulat na bakasyon daw ng mga VIP convicts, nagkaroon ng duda ang publiko sa ating mga penal institution. Sa ngayon ay wala tayong batas na magpapataw na mas mabigat na parusa hinggil sa paglipana ng mga kaso hinggil sa pagkunsinte sa mga preso para makalabas ng kulungan,” ani Revilla.

Binigyang-diin niyang dapat tugunan sa lalong madaling panahon ang balitang may VIP treatment na ibinibigay ang prison officials sa mga mayayamang  preso.

“Ang impresyon tuloy ng publiko, talagang umiiral ang diskriminasyon sa ating penal system. Basta may pera ka at may impluwensiya, puwede kang maging malaya kahit ba may ginawa kang krimen,” aniya.

Kaugnay nito, hiniling ni Revilla sa kapwa mambabatas na kaagad ipasa naturang panukalang-batas na magpapataw ng parusang prision mayor sa medium at maximum prison sa sinumang opisyal ng gobyerno na nakipagsabwatan upang makalabas ang isang preso nang walang kaukulang court order o awtorisasyon. Ernie Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply