Philippine Heart Center isusubasta na ng QC gov’t

ISUSUBASTA na ng pamahalaang Lungsod ng Quezon ang Philippine Heart Center (PHC) ngayong Hulyo matapos tanggihan ang referral letters na ibinibigay ng lokal na gobyerno para sa mahihirap na pasyenteng  magpagamot ng libre sa naturang ospital.

Sinabi ni Quezon City Treasurer Edgar Villanueva na halos P39 milyon buwis na ang hindi nababayaran ng PHC kaya dapat na itong isubasta para makabawi ang QC gov’t.

Ayon pa kay Villanueva, tapos na ang sampung taong tax holiday ng PHC na nagsimula noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, ang administrasyon na nagpatayo sa nasabing pagamutan.

Iniimbestigahan na rin umano ang pagkakaroon ng mga fastfood sa loob ng PHC at paggamit sa mga silid ng ospital para ipaupa sa mga private doctor na hindi nagbabayad ng buwis.

Binigyang-linaw pa ni Villanueva na isang government owned and controlled corporation (GOCC) ang PHC kaya marapat lamang itong magbayad ng buwis.

Kamakalawa, kumalat ang balitang palaisipan sa lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon ang hindi pagkilala ng PHC sa mga referral letter na ipinadadala ng siyudad para sa mga pasyenteng kailangang magamot dito.

Nabatid naman mula kay City Administrator Victor Endriga na noon pang Marso nagsimula ang pagtanggi ni PHC Director Chua Chiaco sa mga sulat na ipinadadala ng pamahalaang lungsod.

Ang pagbibigay ng referral letter ng pamahalaang lungsod sa PHC ay alinsunod sa nilagdaang kasunduan sa pagitan ng lokal na gobyerno at ng naturang ospital na naglalahad na maglalaan ng P10 milyong pondo kada taon ang city government para sa mga pasyenteng ire-refer sa nasabing pagamutan.

Mayroon naman umanong subsidiya ang siyudad bunsod ng kasunduan na nilagdaan noong nakaraang taon.

Nagtataka umano si Endriga dahil noong panahon ni dating PHC director Ludgerio Torres ay walang problema sa mga referral letter ng city government subalit nang pumalit na si Dr. Chiaco ay tinatanggihan na nito ang mga nire-refer na pasyente ng QC Hall.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply