Pinay absuwelto sa drug trafficking

PINAWALANG-SALA ng hukuman ang kasong pagdadala ng iligal na droga laban sa 59-anyos na Filipina na nahuli sa Italya matapos ang pitong buwang paglilitis.

Sa ulat ng Philippine Embassy sa Roma, kinatigan ng hukom ng Tribunale di Civitavecchia ang mga ebidensyang iprinisinta ng abogadong ipinadala ng embahada na magpapatunay na mabuting mamamayan at hindi nasasangkot sa anumang uri ng krimen ang Pinay.

Batay sa rekord, hinuli noong Oktubre 4, 2010 ang Pinay nang dumating sa Fiumicino Airport matapos makuha sa dala niyang portable DVD player ang 49.50 gramo ng shabu na ipinabitbit lamang ng kapwa manggagawang Pinoy sa Roma.

Kaagad na ikinulong sa Civitavecchia prison ang Pinay, subalit napagkalooban ng pagkakataon na maisailalim sa house arrest nang magsimula ang paglilitis noong Oktubre 18 sanhi ng problemang pangkalusugan.

Nang malaman ng embahada ang kinakaharap na kaso ng Pinay, kaagad na humingi ng pahintulot sa Italian Ministry of Justice na makadalo sa isasagawang pagdinig at paglilitis at mabigyan na rin ng abogado.

Sa panahon ng paglilitis, iginiit ng Pinay na inosente siya sa bintang. Matatag din ang kanyang mga naging pahayag sa hukuman kaugnay sa mga depensa niya sa kinakaharap na usapin.

Maging ang Filipino community, sa pangunguna ng Filipino chaplaincy, ay sumuporta sa Pinay sa pamamagitan ng inilunsad na signature campaign na magpapatunay sa magandang pag-uugali ng akusado.

Iprinisinta nila ang nakalap na mahigit 500 lagda na magpapatunay sa kagandahang asal ng Pinay na isa sa naging dahilan upang tuluyan siyang ipawalang-sala ng hukuman.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply