Pinoy ginogoyo ng Palasyo sa RH Bill – Sotto

IBINULGAR ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III na ginogoyo ng Palasyo ang taumbayan sa ilang mahahalagang probisyon sa panukalang Reproductive Health Bill na tila magkakaroon ng “martial law” sa pagpapatupad sakaling maisabatas.

Sinabi ni Sotto na may ilang probisyon sa bersiyon ng Mababang Kapulungan na hindi inilalantad ng Palasyo kaya hindi nauunawaan ng taumbayan ang kahihinatnan ng panukala sakaling maisabatas ang RH Bill.

“Itinatago lamang nila ang mahahalagang probisyon na makaapekto sa taumbayan sa maternal health, infant mortality at iba pa. Isa itong camouflage  na general statement upang hindi maungkat o malaman ng taumbayan ang ilang mahahalagang probisyon,” giit ni Sotto.

Partikular na tinukoy ni Sotto ang probisyon sa House bill na nagsasabing puwedeng ipakulong ang sinumang employer na hindi magbibigay ng kontraseptibo sa kanilang manggagawa sa mga kompanyang may 300 tauhan o higit pa.

“”Puwedeng makulong ang sinumang employer na hindi susunod sa RH bill. Nasa bill iyon,” giit ni Sotto.

Tinukoy pa ni Sotto ang probisyon na nagsasabing puwedeng patalsikin ng bansa ang sinumang dayuhan na kokontra sa RH Bill.

“Kahit Santo Papa ang manawagan na kontrahin ang RH Bill kapag nandito siya sa Pilipinas, puwedeng siyang ipatapon kaagad palabas ng bansa. Nasa probisyon yan ng RH bill,” ayon kay Sotto.

Kinontra naman ni Sen. Francis Escudero ang pangamba ni Sotto sa pagsasabing hindi dapat alalahanin ng lider ng mayorya ng Senado ang bersiyon ng Mababang Kapulungan dahil may sariling bersiyon naman ang Senado.

“Bakit kailangan pagdebatehan natin ang bersiyon ng Mababang Kapulungan. Bakit hindi natin hintayin ang sariling bersiyon ng Senado,” giit ni Escudero.

Kinumpirma naman ni Sen. Pia Cayetano na may probisyon sa bersiyon ng Mababang Kapulungan na nagsasabing inaatasan ang lahat ng mga employer na mamahagi ng contraceptives sa kanilang empleadyo ngunit isiningit lamang ito mula sa ilang probisyon sa Labor Code.

Kinuwestiyon naman ni Sen. Ralph Recto ang itinatagong halaga ng gagastusin ng pamahalaan sa pagpapatupad o implementasyon ng RH Bill sakaling maisabatas.

“May price tag iyan na hindi pa nasasagot. Kapag naipasa ba natin ang RH Bill, tataas ang buwis na babayaran ng taumbayan upang maipatupad ang batas? Tataas ba ang premium na ibinabayad natin sa Philippine Health Insurance (PhilHealth) sakaling maisabatas natin ang RH Bil,” kuwestiyon ni Recto.

Ikinalungkot naman ni Sen. Panfilo Lacson ang maling pamumustura ng Simbahang Katoliko sa pananakot na isang demonyo ang sinumang kakampi ng RH Bill tulad nang ipinamumukha ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mambabatas na pro-RH Bill.

“Dapat ang mga bishop ang siyang dapat kahuli-hulihang tao na magsasabi na evil ka. Parang sila na lamang ang may karapatang magsalita para sa mahihirap. Kainaman lamang naming dito sa Senado, kami nasa floor, sila wala,” paliwanag ni Lacson.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply