Plastik sanhi ng matinding pagbaha sa Metro

PLASTIK ang siyang itinuturo ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na siyang pinakamatinding sanhi ng mga pagbaha sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.

Ayon kay LLDA General Manager Rodrigo Cabrera, base sa kanilang pag-aaral ay lumalabas na ang mga plastik ang sanhi ng mga matinding pagbaha dahil sa pagbabara ng mga estero, kanal at Ilog.

Nabatid na karamihan sa mga ilog, estero at kanal sa silangang bahagi ng kamaynilaan gaya ng Marikina, Pasig, Mandaluyong, San Juan at Quezon City ay patungo sa lawa ng Laguna.

Kaugnay nito ay umapela ang ang pamunuan ng LLDA sa lahat ng mga local government units (LGUs) na ipagbawal o itapon sa tamang basurahan ang mga plastic upang hindi bumara sa estero.

Ayon pa kay Cabrera, sakaling makiisa ang mga LGUs ay unti-unting maiiwasan na ang matitinding pagbaha na dulot ng pagtapon ng plastik.

Magdadaos rin ang ahensya ng mga seminar workshop sa iba’t-ibang siyudad at munisipalidad kasama ang environment and natural resources officers sa darating na  Mayo 25 kung saan ilalahad dito ang perhuwisyong dulot sa paggamit ng plastic bag na karaniwang ginagamit bilang lalagyanan ng mga pinamili mula sa mga palengke o mga groserya.

“Noong nakalipas na bagyong Ondoy, ang pagbaha sa Metro Manila at mga karatig probinsiya ay dulot ng mga basurang nagsipagbara sa mga estero, kung saan, ang mga basurang nagsipagbara sa mga  kanal at estero ay 90 porsiyeno na pawang mga plastic bag.” Ani Cabrera.

Kasabay nito ay iminumungkahi ng LLDA ang paggamit ng biodegradable bags na mabibili sa mga iba’t-ibang tindahan na kung saan ang mga ito ay nalulusaw at hindi tulad ng plastic na hindi natutunaw sa mahabang panahon. Jhie Convocar

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply